Sunday, January 25, 2009

Kampay


Matapos ang hapunan, nagyaya sila Glenn at Erwin na mag-inuman. Tamang-tama raw ‘yon habang hinihintay namin ang paghihiwalay ng taon. Tumango lang ako. Kanina kasi, bumili na sila ng Emperador.

Sa kubo namin kami pumuwesto. Bago nagsimula ang tagayan, marami pang inayos. Kay Mama ang ihawan ng tilapya, liyempo, at hotdog. Kay Erwin ang TV at ang Magic Sing. Kay Glenn ang baso, ang alak, at ang pipinong binabad sa suka. Ako naman, sumalampak na sa paborito kong sulok. Panay lang ang text. (Hindi ako “domesticated”, e.) Naglalaro naman ng PSP ang mga pamangkin ko. Nasa loob sila ng bahay kasi maulan ng gabing ‘yon.

Tinanong ni Mama kung nasaan si Bernil. Sabi ko, umuwi sa kanila sa Tarlac. Dumating kasi ang kapatid n’ya galing sa Hong Kong. Gusto s’yang makita. Tumango lang si Mama tapos binalikan na ang pagpaparingas sa uling. Sakto sa pag-sound check ni Erwin ng Magic Sing, lumabas si Glenn dala ang isang magarang bote ng Fundador Exclusivo. Kasunod n’ya ang asawang si Liza, dala ang pipinong binabad sa suka.

Hinanap ko kung nasaan ang Emperador. Malakas na tumawa sila Glenn at Erwin. Isinalin pala ni Glenn ang Emperador sa magarang bote ng Fundador Exclusivo. Pasalubong pala ang Fundador Exclusivo ng isang kapitbahay na sea man. Itinabi lang ni Glenn ang bote para maalala n’yang minsan, nalasing s’ya ng Fundador Exclusivo.

Hindi ko makuha ang point ni Glenn kung bakit kailangang isalin pa n’ya ang Emperador sa bote ng Fundador Exclusivo hanggang sa may isang kapitbahay na dumaan. Niyaya naming tumagay pero tumanggi. Nahiya siguro. Malamang hindi n’ya ako kilala. Bihira kasi akong umuwi sa Binangonan. Pero sa mukha ng kapitbahay namin, bakas ang paghanggang umiinom kami ng Fundador Exclusivo! Tawanan kaming magkakapatid. Kumbinsido ako. Status symbol pala ang Fundador Exclusivo kahit bote na lang noon ang meron kami. Nakisakay na rin ako.

Si Glenn ang nagtagay ng Emperador. Pepsi ang pantulak para raw s’wabe. Sandali pa, sunod-sunod na ang birit ni Erwin sa Magic Sing. Humahalili sina Glenn at Liza. Sumubok din si Mama pero tumiklop dahil sa kant’yaw nila Glenn at Erwin. Nangangatog kasi ang boses ni Mama. Parang tumitira ng Kundiman. Pinasaya na lang n’ya ang sarili n’ya sa sa ibinigay kong Novellino. Sosyal ang feeling n’ya. Maya-maya pa, pinapak na namin ang tilapya at liyempo. Naglabasan ang mga pamangkin ko nang naamoy nila ang hotdog. Tig-iisang stick sila. Masarap daw. Juicy.

Tuwing nag-iinuman kami, hindi ako nagsasalita. Desisyon ko ‘yon. Parang ritwal. Nakikinig lang ako sa mga kapatid ko at kay Mama. Hindi naman sila nagrereklamo. Nasanay na rin siguro. Naisip ko, mabuti na rin ‘yon. Minsan kasi, sobrang talas ng dila ko. Sa halip na mas maintindihan ang gusto kong sabihin, nakakainsulto pa ako. Hindi ko alam kung bakit ganoon. At kahit pilitin ako, hindi na rin ako interesadong malaman ang dahilan. Masaya na ako sa pananahimik kapag nakikipag-inuman kasama ang pamilya ko. Iba s’yempre kung iba ang kaharap ko. Ibang kuwento ‘yon.

Mabilis na lumipas ang oras. Sa pagitan ng mga tagay namin, marami akong nalaman. May Christmas party pala sa block namin at may ilang kapitbahay na mas mababa sa napagkasunduang P250 ang pinang-exchange gift. May kababata pala kaming napaaway at nakulong at hiniwalayan ng asawa. May kamag-anak na nag-abroad na. May kakilala kaming walang balita tungkol sa kaniya. Namatay na pala ‘yong kapitbahay naming hindi nagbubukas ng bintana kapag nangangaroling kami. Nabanggit din ni Mama ang ugali ni Papa kapag nalalasing. Kahit ano raw ang mangyari, kahit gaano kalasing si Papa, uuwi at uuwi siya sa amin. Nang iniabot sa akin ni Glenn ang sumunod na tagay ko, tahimik ko ‘yong inialay kay Papa.

Nang nagputukan na, tuwang-tuwang naghiyawan ang mga pamangkin ko. Nagpataasan din sila ng lundag, kipkip ang pag-asang magsisitangkaran sila. Nagsalitan din sila sa pagtorotot. Kinalampag ko ang mga kaldero habang nagsasabog ng barya si Mama papasok sa bahay. Nagbatian kami ng Happy New Year. May halik sa pisngi. May yakap na mahigpit.

Isa-isang sinindihan nila Glenn at Erwin ang mga kuwitis. Supot ang fountain pero nagpalakpakan pa rin kami. Eskandalosong pumutok ang Sinturon ni Hudas. Pumulandit ang mga lusis. Nang tumingala kami, pagkaliwa-liwanag ng kalangitan. Parang sumambulat ang libo-libong bituwin. Parang sumirit ang laksa-laksang bulalakaw.

Naramdaman ko ang sarap, ang nakakahilong tama ng Emperador, na isinalin sa magarang bote ng Fundador Exclusivo, habang hinahabol ko ang naging kabuluhan ng taong kalilipas lang.

Ika-7 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

No comments:

Post a Comment