Sunday, January 18, 2009

Aritmitik




Sa isang panggabing balita, isang reporter ang kumuntsaba sa isang maybahay para pagkasyahin ang P500 sa Noche Buena. Spaghetti, keso, tinapay, minatamis, softdrinks, at prutas ang lumabas na maihahanda. Hindi na yata nasabi kung ilan silang kakain. Sa huli, ibinahagi ng maybahay kung paano makapagtitipid sa panahon ng krisis. Tandaan din daw na ang totoong diwa ng Pasko ay ang pagmamahalan.

Naalala ko lang muli ang napanood kong ‘yon nang magpunta kami sa SM Taytay. Umungot kasi si Mama na mamili para sa Noche Buena. Ano nga kaya ang mabibili namin sa P500?

Dahil kasama rin namin ang makukulit kong mga pamangkin, hindi ko namalayan ang ikinarga ng cart. Nang bayaran ko, halos P5,000 ang inabot. Dapat may malaki akong reaksyon pero hindi ko na nilabas. Nakasimangot na kasi ang kasunod namin sa pila.

Nang pauwi na kami, nagtuturo ang mga pamangkin ko. Ice cream. Cake. Cotton candy. Mais. Burger. Binulong din ng mga kapatid ko na may kailangang bilhin para sa sasakyan. Dumaan kami sa Ace Hardware. Ayun, ubos ang P1,000 na inilabas ko.

Kinabukasan, matapos ang tanghalian, bumiyahe kami papuntang Valenzuela. Hiling kasi ni Mama na dalawin namin si Lola Meding. Sunog agad ang P1,000 para sa diesel. May panibagong P1,000 pa para sa mga pasalubong.

Sa Valenzuela, pumila ang kamag-anak. Bungad nila sa akin, mukhang mayaman ka na. Pinagpapala raw ang mabuting anak. Ngumiti lang ako. Mahirap yatang tanggihan o itanggi ang ganoong salubong.

Kasunod ng batian at kainan ang kantiyawan ng aginaldo. Sa mga tito at tita, mababa ang P500 bawat isa. Sa mga pinsang wala pang asawa, swak na ang P300 bawat isa. Sa mga anak ng pinsan, P200 kada ulo. Iba rin ang budget para mga anak ng pinsan na inaanak. May SM gift certificate na P500 at cash na P500. Pinakabongga kay Lola Meding, P2,000. Pambili niya ng nganga at saka ng kandila kapag nagsisimba siya. Naki-ambush din ang mga anak ng kapitbahay, bigyan ko raw ng tig-be-bente, kumbinsi ni Mama. Inabot din kami ng mga inaanak ni Papa. Kahit may mga asawa pa, hindi sila nakakalimot na dumalaw. Hindi na sila humihingi ng aginaldo pero pinagmamano nila ang mga anak nila sa akin. Mahirap daw kasi ang buhay at walang trabaho ang mga asawa nila. S’yempre, dumukot din para sa kanila.

Nang pauwi na kami, tinanong ko ang mga kapatid ko kung anong gusto nilang regalo. Si Mama ang sumagot. Pera na lang daw. Kapwa kasi walang trabaho ang mga kapatid ko. Si Glenn, tatlo ang anak. Si Erwin, isa. Nagkagulo ang mga pamangkin ko nang maglabas ako ng pera. Sabi ko, pagkasyahin na lang nila. Ibinilin ko na lang ibili ng sapatos ang mga bata. ‘Yong matibay. Pang-terno sa mga damit na nauna ko naming nabili bago magsimbang gabi. Mas malaki ang ibinigay ko kay Glenn kasi ‘yong bunso n’ya, sumususo pa. Mahal ang gatas. May supresa naman ako kay Mama. Pearl necklace. Nakuha ko kay Ms. Tootsie. Second hand pero ayos naman. South Sea raw ‘yon. Inilagay ko sa box ng Tiffany’s na ibinigay sa akin nila Cheng at Roselle. Nagkagulo ulit ang mga pamangkin ko. Mahal daw ang pearl necklace. May yabang ang ngiti ko. Nang sabihin ko ang presyo, tinawag nila si Mama na donya. Nag-aalangan si Mama na isukat o isuot ang pearl necklace. Baka raw mahablot. Kantiyaw nila Glenn at Erwin, wala raw hahablot kasi hindi naman niya ‘yon isusuot pagpunta ni Mama pagpunta sa palengke. Tuwang-tuwa si Mama ng naisuot na niya ang pearl necklace. Bagong damit na lang daw ang kulang. Bumukas ulit ang wallet ko.

Nang natapos ang araw na ‘yon, hindi magkamayaw sa kaka-tenkyu si Mama, ang mga kapatid ko, at ang mga pamangkin ko. Nalimas man ang perang naitabi ko, tila maluwag naman ang dibdib ko. Nairaos ko ang Pasko. Sabi ng isang kakilala, hindi ko raw dapat ginagawa ‘yon. Hindi ko raw ‘yon obligasyon. Naniniwala ako sa sinasabi n’ya pero hindi ko naman kayang manikis. Nagkataon lang siguro, na ngayon, ako ang meron.

Bago kami matulog, sinabi ko kay Bernil na sa 31st na kami mag-grocery. Binanggit kasi niyang simot na ang ref. Ayos lang daw. Hindi na niya ako tinanong kung bakit dahil nakita n’ya akong panay ang pindot sa calculator. Sa gilid ko, nakalagay ang pitaka kong umimpis.

Nang tuluyan akong pumikit, naisip kong hanapin ang reporter sa panggabing balita. Kukuntsabahin ko siyang hamunin akong pagkasyahin ang P500 para sa Noche Buena namin sa susunod na Pasko. Pero naisip ko, t’yak di ko rin naman mapagtatagumpayan ‘yon. Paulit-ulit ko na lang ibinalik sa kukote ang sinabi ng maybahay --- ang totoong diwa ng Pasko ay ang pagmamahalan.

Ika-2 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

No comments:

Post a Comment