Monday, August 2, 2010
Ngipin
Isyu sa akin ang magpakuha ng litrato. Hirap kasi akong ngumiti dahil sa ngipin ko. Nasa College na ako nang makaipon ako para sa dentista. Pero kahit ngayon na wala na akong dapat ikahiya, asiwa pa rin ako.
Dahil sa ngipin ko, naging mabilis din akong maglakad. Ayoko kasing huminto at bumati sa mga kakilalang makakasalubong. Mapipilitan akong ngumiti. Naging mas conscious ako noong nasa high school na ako. Mas marami na kasi sa mga kababata ko at sa mga kaklase ko ang mahilig mambuska. Lagpas kalahating oras kung lalakarin mula sa bahay namin hanggang sa esk’welahan. Pero nakakaya kong makapasok sa loob lang ng labinglimang minuto dahil sa pagmamadali, makaiwas lang sa pagngiti sa makakasalubong.
Nagbago lang ang isyu ko sa ngipin ko nang maging malapit kong kaibigan si Mary Ann Agnes Matos. Hindi ko alam kung bakit kami naging malapit ni Agnes. Hula ko, p’wedeng dahil ‘yon sa pareho kami nang dinadaan pauwi. Naghihiwalay lang kami pagtawid sa highway. Kakanan s’ya. Kakaliwa ako.
Diretsong magsalita si Agnes. Kaya ayun, sinita n’ya ako nang mapansin n’yang mabilis ang lakad ko. Nang sinabi ko ang tungkol sa ngipin ko, tumawa s’ya. Pero hindi ‘yong mapang-insulto. Tumawa s’ya na parang natutuwa s’ya sa akin. Hindi raw bagay sa lalaking matangkad ang maging mahiyain dahil lang sa ngipin. Ngumiti ako. Tumawa ulit s’ya. Sabi n’ya, ang pangit mo palang ngumiti. Natawa ako. Tumawa na naman s’ya. Noon ka napansin na sira rin pala ang ngipin n’ya. Sabi ko, mas pangit pala s’ya. Nagtawanan kami.
Nang sumunod na mga araw, bumagal na ang paglalakad ko. Nakalimutan ko na ang ngipin ko dahil marami kasi kaming pinagkukuwentuhan ni Agnes. Doon ko lang napansin ang Maricopa Restaurant, ang muninsipyo, ang lugawan, at ang South Supermarket.
Masarap daw ang fried chicken sa Maricopa Restaurant. Pero mahal. Mayaman lang ang nakakakain doon. Ilang beses naming sinubukang sumilip pero lagi kaming sinisita ng g’wardya.
May mga preso pala sa muninsipyo. Pinuntahan namin sila. Naramdaman namin ang pagsisiksikan nila. Naamoy naming ang panghi ng kulungan nila.
Kapag ‘di ako kumakain sa canteen, nakaka-order kami sa lugawan. Minsan, may tokwa pa o lumpya. Kapag kapos, dinadamihan na lang namin ng suka at toyo. Solb na.
Kapag pawis na pawis kami, tumatakbo kami sa South Supermarket. Madalas, doon kami sa lagayan ng ice cream at karne. Mas malakas kasi ang aircon. Hindi ko makakalimutan ‘yon isang tsupon na pinag-uusapan namin kung mahal o mura. Hindi namalayan ni Agnes na naibulsa pala n’ya. Nang maghihiwalay na kami, saka lang naramdaman ni Agnes ang tsupon sa bulsa n’ya. Simula noon, tuwing babalik kami sa South Supermarket, binabagabag kami ng kuns’yens’ya. At dahil lang ‘yon sa tsupon!
Sa loob ng esk’welahan, hindi kami nag-uusap o nagbabatian ni Agnes. Pero pag-uwian na, parang pinagtatagpo kami at sabay kaming naglalakad. Mas naging exciting ang pagsasabay naming ‘yon nang yayain n’ya akong pumunta sa kanila. Binaybay namin ang highway. Laking gulat ko nang bumungad sa akin ang bahay nila. Puro halaman ‘yon. Nagtitinda pala sila ng halaman. Doon, uupo lang kami sa isang sulok at makukuwentuhan. Hindi ko matandaan kung nakilala ko ang nanay at ang tatay n’ya o ang mga kapatid n’ya o nalaman nilang nagpupunta ako sa kanila pero malinaw sa akin na pumupuwesto kami ni Agnes sa gitna ng mga santan. Inaabot kami ng hapon sa pagdadaldalan. Magkukumahog na lang akong umuwi para hindi abutan nang paglubog ng araw at hidni mapagalitan.
Tapos, noong minsang birthday ko, niyaya ako ni Agnes na gumawa ng bahay na papel. ‘Yong parang sa librong pambata na kapag binuksan mo, biglang lalabas ‘yong bahay. Sabi n’ya, iiwan daw namin sa gitna ng highway ‘yong papel na bahay. Hahayaan namin liparin ng hangin. Kapag ‘di raw ‘yon nasagasaan ng mga rumaragasang sasakyan, pag-uwi ko raw, may matatanggap akong magandang regalo.
Iniwan namin ang bahay na papel sa gitna ng highway. Humiyaw kami nang sabay. Makalipas ang ilang minuto, nakatawid ang bahay na papel. Hindi ‘yon nasira. Tuwang-tuwa kami. Nang umuwi ako sa bahay, nalaman kong nanalo pala sa sabong ang tatay ko. Niluto ng nanay ko ang tinaling natalo. Dahil sa kunat, nabali ang ngipin ko nang nilantakan ko ‘yon. Pinagtawanan ako ni Agnes. Tumawa na rin ako at walang pakialam kung bali ang ngipin ko. Ang mahalaga, naging totoo ang sinabi ni Agnes.
Bago mag-graduation, nagkagalit kami ni Agnes. Nakalimutan ko kung bakit. Pinaalala lang n’ya nang magkita kami makalipas ang dalawampung taon. Kapwa na kami binago ng panahon.
Nalaman ko na lang na tinarantado s’ya ng kanser sa utak. Nang mag-usap kami, nalagas na ang mga ngipin n’ya samantalang ako, pilit ngumingiti at ipinapapansin sa kan’ya ang pustiso ko.
Habang nakaratay sa higaan si Agnes, sa isip ko, gusto ko s’yang yayaing kumain ng fried chicken sa Maricopa Restaurant. Alam kong hindi na kami hahabulin ng g’ward’ya. May pambayad na ako. O dadalaw kami sa muninsipyo at kung anuman ang makikita ko roon, isusulat ko ‘yon. Malalaman ng marami ang kalagayan ng mga preso doon. O kakain kami ng lugaw. May kasamang tokwa at lumpya. May baboy pa. Puro laman. Dadamihan naming ang suka at toyo kung gusto n’ya. O pupunta kami sa South Supermarket, bibili ng maraming tsupon. O magpapalamig hanggang hindi na n’ya maramdaman ang sakit na bumabarena na ulo n’ya. Pero hindi ko ‘yon nasabi. Hindi ko nakaya.
Napag-usapan namin ang daan patungo sa bahay nila, ang mga halaman, ang bahay na papel sa highway pero pinanlumo lang ako nang sinagot niya. Wala na ang bahay nilang ‘yon, wala na ang mga halaman, at hindi na n’ya kayang bumaybay pa sa kahit saan man highway.
Namatay si Agnes tatlong araw matapos ang birthday ko. Nakarating sa akin ang balita sa text lang. Siguro naisip ni Agnes, hindi s’ya dapat makisabay habang nagsasaya ako.
Ginapi man si Agnes ng kanser sa utak, nagtagumpay naman s’ya para maging inspirasyon. Bukod sa pagiging matapat na kaibigan, naging mabuting ina rin s’ya, asawa, anak, at tao.
Bukas, ililibing na si Agnes. Kung magkukuhaan ng picture, ngingiti ako nang todo-todo. Tiyak kong ibabalik ng ngiti kong ‘yon ang alaala ng makulay naming pagkakaibigan.
Ika-26 ng Agosto, 2009
Cainta, Rizal.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment