Monday, August 2, 2010
Orocan
Sobrang dami ng dapat kong gawin. Puro trabahong dapat natapos ko na noon kung ‘di ko piniling tumutok sa Virgin Lab Fest 6. Pero ‘di ako nagsisisi. Handa naman akong mapagod, mapuyat, at mataranta nang todo. Nang gumising ako nang maaga kanina (o hindi na ako nakatulog?), alam kong mahaba ang araw na ‘to.
Pasado ala-sais, nakaligo na ako at nakapagkape. Nakabukas na ang laptop ko. Umaarangkada na rin ang TV. (‘Di kasi ako makapagsulat ‘pag tahimik. Dapat naririnig ko ang ingay – ng mundo.) Nag-check muna ako ng email para maka-b’welo. Ang kaso, 457 messages ang laman ng inbox. Karamihan, galing sa Facebook. S’yempre, sinagot. Aba, alas-otso na, 112 pa lang ang nababawas sa inbox ko. Tapos, nanganak pa nang nanganak ang mga nauna kong sinagot. Parang maaaga ring umarangkada ang mga ka-Facebook ko. Pagdating ng alas-diyes, kumalampag ang bubungan ng katabing apartment namin. May kinukumpuni. Oo, gusto ko nang maingay, pero iba ang tunog ng minamartilyong yero. Ibig sabihin, wala pa ako sa kondisyong magsulat. Ayun, Facebook ulit. Pagdating ng alas-onse pasado, kumalam na ang sikmura ko. Wala kaming ulam kaya lumabas ako para bumili sa kanto. Sarado ang tindahan. Sa pang-apat na kanto pa ako nakabili tapos muntik ko nang maisumpa ang tindera dahil sa kakarampot na ulam na ibigay sa akin. Pag-uwi ko, panis na pala ang kaning-lamig. Habang nag-sasaing ako, kasabay ng sikmura ko ang pamamayagpag ng kalampagan sa bubungan ng kapitbahay namin. Tapos, dahil ‘di na matino ang rice cooker namin, nahilaw ang sinaing ko. Ayun, tasty ang binanatan ko habang nilalantakan ang kakarampot na ulam (isang atay at isang balunbalunan).
Halos alas-dos na nang masabi kong sisimulan ko na ang pagsusulat. Wala nang atrasan. Tapos, biglang nag-brown-out. Sabi ko, OK lang. Idlip muna ako. Paggising ko, magsusulat na ako. Alas tres nang magising akong naliligo sa sarili kong pawis. Para akong dinarang sa baga. Wala na ang nagpupupok sa bubungan pero naghaharutan na ang mga bata sa kabilang bahay. Gusto ko sanang singhalan pero ‘di magandang PR. Baka masira ang image ko sa kapitbahayan. Dahil ‘di ko magamit ang laptop ko (laspag na kasi ang battery), naisipan kong magbayad ng bills sa malapit na Bayad Center at magpapalit ng Singapore dollars (bayad sa huli kong raket).
Pagdating ko sa Bayad Center, sarado ang malapit na ATM. Kulang ang pera ko. Nagpunta ako sa money changer. Sobrang baba ng rate. Lugi ako. Nag-grocery na lang ako. Sa pila, isang babaeng bihis-disente ang biglang nag-alok sa akin na palitan ng gift certificate ang cash na ibabayad ko. S’yempre, nagtaka ako. Pero bago pa ako makapag-desisyon, naglitanya na s’ya at sinabing ‘di ako marunong makipagkapagkapwa tao. Pinakyu ko s’ya tapos tinawag ko ang security guard ng supermarket. Tarantang tumakbo ang babaeng bihis-disente. Pagsakay ko ng tricyle, diniskartehan ako ng driver. Wala raw panukli sa bente pesos na ibinayad ko. Nagngitngit habang binitawan ang linyang “Keep the change!” Pasado alas-sais na ng gabi noon at brownout pa rin. Ipinasok ko lang ang mga pinamili ko tapos nagpasyang pumunta sa mall para magpalipas ng oras.
Sa mall, maraming tao. Palabas na pala ang Eclipse. Mahaba ang pila pero pinatos ko na rin. Sayang ‘din ang lamig ng sinehan at ang entertainment value ng pelikula. Sa loob, parang may high school convention at ako ang guest speaker. Pakiramdam ko, sobrang tanda ko na. Parang narinig ko ang theme song ng Batibot at kinakanta ang imortal na “Alin, alin ang naiba”. Kahit mabagal ang pelikula, visual feast naman ang mga bida. Pero makalipas ang sampung minuto, umatake ng k’wentuhan ang mga katabi ko. ‘Tong tipo bang nakikinig ka sa isang nakakakita at sa isang bulag. Kinukuwento ang pelikula, frame by frame. Dahil ‘di ko sila kapitbahay, sininghalan ko sila. Tumahimik sandali. Tapos, umarangkada ulit. Tumayo ako. Humagikgik sila. Akala nila, sumuko ako. Wait lang, sabi ko sa sarili ko. Pagbalik ko, kasama ko ulit ang security guard. Natapos ang pelikula na tahimik na sila. Nakaidlip naman ako. Dahil one screening lang p’wede, ‘di ko na mauulit ang pelikula.
Pag-uwi, isang maarteng babae ang katabi ko. ‘Yong tipo bang pag nadikit ako sa kanya, pakiramdam n’ya, minamanyak ko s’ya. Sisikuhin ko sana pero naisip ko, baka gumulong s’ya palabas ng jeep. Nang nagbayad s’ya, di ko inabot. Hinayaan ko s’yang, makisuyo, a, hindi, magmakaawa, sa iba para kunin ang bayad n’ya.
Pagdating ko sa bahay, may ilaw na. Wala namang cable. Alas-diyes na. Wala pa rin si Bernil. Bigla kong naalala ang mga dapat kong tapusin. Nanlumo ako. Ni isa, wala akong nagawa. Nang tingnan ko ang lagayan ng bigas, simot na ‘yon . Sa asar, binalibag ko ang lagayan. Tumalbog. Orocan nga pala ‘yon. Natawa ako. Naisip ko kung kaya ko ring tumalbog. Sa dami kasi ng bulilyaso sa buhay, dapat tibay ko ay maaasahan.
Ika-2 ng Hulyo, 2010
Cainta, Rizal.
Ngipin
Isyu sa akin ang magpakuha ng litrato. Hirap kasi akong ngumiti dahil sa ngipin ko. Nasa College na ako nang makaipon ako para sa dentista. Pero kahit ngayon na wala na akong dapat ikahiya, asiwa pa rin ako.
Dahil sa ngipin ko, naging mabilis din akong maglakad. Ayoko kasing huminto at bumati sa mga kakilalang makakasalubong. Mapipilitan akong ngumiti. Naging mas conscious ako noong nasa high school na ako. Mas marami na kasi sa mga kababata ko at sa mga kaklase ko ang mahilig mambuska. Lagpas kalahating oras kung lalakarin mula sa bahay namin hanggang sa esk’welahan. Pero nakakaya kong makapasok sa loob lang ng labinglimang minuto dahil sa pagmamadali, makaiwas lang sa pagngiti sa makakasalubong.
Nagbago lang ang isyu ko sa ngipin ko nang maging malapit kong kaibigan si Mary Ann Agnes Matos. Hindi ko alam kung bakit kami naging malapit ni Agnes. Hula ko, p’wedeng dahil ‘yon sa pareho kami nang dinadaan pauwi. Naghihiwalay lang kami pagtawid sa highway. Kakanan s’ya. Kakaliwa ako.
Diretsong magsalita si Agnes. Kaya ayun, sinita n’ya ako nang mapansin n’yang mabilis ang lakad ko. Nang sinabi ko ang tungkol sa ngipin ko, tumawa s’ya. Pero hindi ‘yong mapang-insulto. Tumawa s’ya na parang natutuwa s’ya sa akin. Hindi raw bagay sa lalaking matangkad ang maging mahiyain dahil lang sa ngipin. Ngumiti ako. Tumawa ulit s’ya. Sabi n’ya, ang pangit mo palang ngumiti. Natawa ako. Tumawa na naman s’ya. Noon ka napansin na sira rin pala ang ngipin n’ya. Sabi ko, mas pangit pala s’ya. Nagtawanan kami.
Nang sumunod na mga araw, bumagal na ang paglalakad ko. Nakalimutan ko na ang ngipin ko dahil marami kasi kaming pinagkukuwentuhan ni Agnes. Doon ko lang napansin ang Maricopa Restaurant, ang muninsipyo, ang lugawan, at ang South Supermarket.
Masarap daw ang fried chicken sa Maricopa Restaurant. Pero mahal. Mayaman lang ang nakakakain doon. Ilang beses naming sinubukang sumilip pero lagi kaming sinisita ng g’wardya.
May mga preso pala sa muninsipyo. Pinuntahan namin sila. Naramdaman namin ang pagsisiksikan nila. Naamoy naming ang panghi ng kulungan nila.
Kapag ‘di ako kumakain sa canteen, nakaka-order kami sa lugawan. Minsan, may tokwa pa o lumpya. Kapag kapos, dinadamihan na lang namin ng suka at toyo. Solb na.
Kapag pawis na pawis kami, tumatakbo kami sa South Supermarket. Madalas, doon kami sa lagayan ng ice cream at karne. Mas malakas kasi ang aircon. Hindi ko makakalimutan ‘yon isang tsupon na pinag-uusapan namin kung mahal o mura. Hindi namalayan ni Agnes na naibulsa pala n’ya. Nang maghihiwalay na kami, saka lang naramdaman ni Agnes ang tsupon sa bulsa n’ya. Simula noon, tuwing babalik kami sa South Supermarket, binabagabag kami ng kuns’yens’ya. At dahil lang ‘yon sa tsupon!
Sa loob ng esk’welahan, hindi kami nag-uusap o nagbabatian ni Agnes. Pero pag-uwian na, parang pinagtatagpo kami at sabay kaming naglalakad. Mas naging exciting ang pagsasabay naming ‘yon nang yayain n’ya akong pumunta sa kanila. Binaybay namin ang highway. Laking gulat ko nang bumungad sa akin ang bahay nila. Puro halaman ‘yon. Nagtitinda pala sila ng halaman. Doon, uupo lang kami sa isang sulok at makukuwentuhan. Hindi ko matandaan kung nakilala ko ang nanay at ang tatay n’ya o ang mga kapatid n’ya o nalaman nilang nagpupunta ako sa kanila pero malinaw sa akin na pumupuwesto kami ni Agnes sa gitna ng mga santan. Inaabot kami ng hapon sa pagdadaldalan. Magkukumahog na lang akong umuwi para hindi abutan nang paglubog ng araw at hidni mapagalitan.
Tapos, noong minsang birthday ko, niyaya ako ni Agnes na gumawa ng bahay na papel. ‘Yong parang sa librong pambata na kapag binuksan mo, biglang lalabas ‘yong bahay. Sabi n’ya, iiwan daw namin sa gitna ng highway ‘yong papel na bahay. Hahayaan namin liparin ng hangin. Kapag ‘di raw ‘yon nasagasaan ng mga rumaragasang sasakyan, pag-uwi ko raw, may matatanggap akong magandang regalo.
Iniwan namin ang bahay na papel sa gitna ng highway. Humiyaw kami nang sabay. Makalipas ang ilang minuto, nakatawid ang bahay na papel. Hindi ‘yon nasira. Tuwang-tuwa kami. Nang umuwi ako sa bahay, nalaman kong nanalo pala sa sabong ang tatay ko. Niluto ng nanay ko ang tinaling natalo. Dahil sa kunat, nabali ang ngipin ko nang nilantakan ko ‘yon. Pinagtawanan ako ni Agnes. Tumawa na rin ako at walang pakialam kung bali ang ngipin ko. Ang mahalaga, naging totoo ang sinabi ni Agnes.
Bago mag-graduation, nagkagalit kami ni Agnes. Nakalimutan ko kung bakit. Pinaalala lang n’ya nang magkita kami makalipas ang dalawampung taon. Kapwa na kami binago ng panahon.
Nalaman ko na lang na tinarantado s’ya ng kanser sa utak. Nang mag-usap kami, nalagas na ang mga ngipin n’ya samantalang ako, pilit ngumingiti at ipinapapansin sa kan’ya ang pustiso ko.
Habang nakaratay sa higaan si Agnes, sa isip ko, gusto ko s’yang yayaing kumain ng fried chicken sa Maricopa Restaurant. Alam kong hindi na kami hahabulin ng g’ward’ya. May pambayad na ako. O dadalaw kami sa muninsipyo at kung anuman ang makikita ko roon, isusulat ko ‘yon. Malalaman ng marami ang kalagayan ng mga preso doon. O kakain kami ng lugaw. May kasamang tokwa at lumpya. May baboy pa. Puro laman. Dadamihan naming ang suka at toyo kung gusto n’ya. O pupunta kami sa South Supermarket, bibili ng maraming tsupon. O magpapalamig hanggang hindi na n’ya maramdaman ang sakit na bumabarena na ulo n’ya. Pero hindi ko ‘yon nasabi. Hindi ko nakaya.
Napag-usapan namin ang daan patungo sa bahay nila, ang mga halaman, ang bahay na papel sa highway pero pinanlumo lang ako nang sinagot niya. Wala na ang bahay nilang ‘yon, wala na ang mga halaman, at hindi na n’ya kayang bumaybay pa sa kahit saan man highway.
Namatay si Agnes tatlong araw matapos ang birthday ko. Nakarating sa akin ang balita sa text lang. Siguro naisip ni Agnes, hindi s’ya dapat makisabay habang nagsasaya ako.
Ginapi man si Agnes ng kanser sa utak, nagtagumpay naman s’ya para maging inspirasyon. Bukod sa pagiging matapat na kaibigan, naging mabuting ina rin s’ya, asawa, anak, at tao.
Bukas, ililibing na si Agnes. Kung magkukuhaan ng picture, ngingiti ako nang todo-todo. Tiyak kong ibabalik ng ngiti kong ‘yon ang alaala ng makulay naming pagkakaibigan.
Ika-26 ng Agosto, 2009
Cainta, Rizal.
Subscribe to:
Posts (Atom)