Saturday, July 11, 2009

Linggo



Planado ang Linggo na ‘yon. Gumising kami ng alas-otso. Naglaba at naglinis ng bahay. Nilagang baboy ang tanghalian tapos may isang oras na pahinga. Dahil may meeting ako ng alas-k’watro, dumating kami nang mas maaga ni Bernil sa Gateway para makapaghanap pa ng regalo. Graduation kasi ng isang kaibigan. May pa-party s’ya ng alas s’yete. Nakakahiya namang wala kaming bitbit.

Pag baba namin ng LRT2, papasok sa Gateway, may nakita kami kaagad na p’wedeng pangregalo pero sabi ko, babalikan na lang namin. Baka kasi may mas maganda pa at mas mura sa loob ng mall. Tapos, bigla naming nakasalubong si Glenn Sevilla Mas. Dahil ilang linggo na ring ‘di kami nagkita, automatic ang naging huntahan namin. Napansin ko ang namumulang sugat n’ya sa noo. Sabi n’ya, pareho na raw sila ngayon ni Harry Potter. May marka. Sabi ko naman, kung kay Harry Potter, korteng kidlat; ang sa kanya, korteng sumabog na kulog. Hindi na namin inisip kung may sense ba ‘yon basta humagalpak na lang kami ng tawa. Tapos, niyaya ko s’yang samahan kami sa paghahanap ng pangregalo. Hindi naman s’ya tumanggi.

Nagpunta kami sa isang mamahaling bookstore. Pero mahigit isang libo ang presyo ng librong tumawag sa pansin ko. Lumipat kami sa video shop. May DVD collection na swak na swak sana pero kahit naka-sale, aabot pa rin ng halos isang libo. Nang tumunog ang celphone ko, umakyat na kami sa may Foodcourt para puntahan ko ang ka-meeting ko. Iniwan ko muna sila ni Bernil. Humanap sila ng isang mesa at doon pumuwesto.

Nang halos kalahating oras na akong nakikipag-meeting, biglang lumapit si Glenn sa kinauupuan namin. Pinakita n’ya sa kausap ko ang picture n’ya sa celphone n’ya. Duguan. Putok ang noo. Hindi alam ng kausap ko kung saan s’ya kukuha ng reaksyon. Parang sinenyasan ko yata si Glenn na umalis muna kaya nadispatsa ko s’ya agad. Sinabihan n’ya lang ako na bilisan ko kasi gutom na s’ya.

Nang natapos ang meeting ko, kumakain na s’ya habang panay pa rin ang kuwento kay Bernil. Pag-upo ko, sinabi ni Bernil na bibili s’ya ng pagkain namin.

Bago sumubo si Glenn, sinabi n’ya sa akin, “Alam mo, isa ka sa limang tinext ko noong naaksidente ako. Nagpadala pa nga ako ng picture ko, e.” Nawindang ako. Ngayon, alam ko na kung bakit n’ya ako sinugod sa gitna ng meeting ko. Sabi ko, “Ha? Wala akong natanggap. ‘Yong text lang ni Tim Dacanay ang nakuha ko. Sabi n’ya, nabangga raw ‘yong sinasakyan mo pero ayos ka naman daw. Bakit, seryoso ba?” Stupid ang tanong na ‘yon kasi biglang bumanat si Glenn. Nakaupo raw s’ya sa unahan ng FX, tapos, nakaidlip yata ang driver. Sa isang iglap, sumalpok ang FX sa isang puno. Dahil ‘di s’ya naka-seat belt, tumama ang noo n’ya sa salamin. Na-shatter ang salamin. Mabuti at ‘di n’ya suot ang eyeglasses n’ya. Kung nagkataon, mas malala pa ang nangyari sa kan’ya. Habang umaagos ang dugo sa mukha n’ya, hinanap n’ya ang gamit n’ya at celphone. Sa ospital, nalaman n’yang kolorum pala ang FX. Tapos, dahil medyo may edad na ang driver, dinaan nito sa drama si Glenn. Si Glenn tuloy ang sumagot ng lahat ng gastos sa pagpapagamot. Bagama’t bugbog ang katawan ni Glenn, matindi ang tama sa noo at ulo n’ya. May mga bubog pa ngang tinanggal sa anit n’ya.

Nang mauubos ko ang burger na binili ni Bernil, bigla kong naisip na muntik na pala akong nawalan ng kaibigan. Kung nagkataon pala, sa lamay ko na lang maririnig ang kuwento ni Glenn. Morbid pero napag-isip ako. Nabundol ako noong nasa second year high school ako. Nag-overtake ang jeep. Napuruhan ako sa beywang tapos tumama ang baba ko sa isang nakausling bakal. Sugat. Tulala ako nang sinakay sa jeep at sinugod sa ospital. Nakita ko na lang ang nanay ko na humahagulgol. Hindi ko na maalala kung ano ang nangyari pero parang nakipag-areglo ‘yong driver. Ngayon nga, iniisip ko, parang may nawala akong “time”. Iniisip ko na baka matagal akong nawalan ng malay at naka-confine lang sa ospital at umaandar ang mundo. Hindi naman ako makapagtanong sa nanay ko kasi, ngayon, mukhang mas malakas pa ako sa kalabaw.

Sabi ni Glenn, nang i-post daw n’ya sa Facebook ang mga kuha n’ya noong naaksidente s’ya, may nag-akalang make-up ‘yon para sa isang play na kasama s’ya. Sa mga katulad kasi naming manunulat at nasa teatro, madalas, dinadaan namin sa pagka-OA ang lahat.

Habang sinisimot si Glenn ang softdrinks n’ya, nagdasal ako nang tahimik. Nagpasalamat ako dahil malakas na ngayon si Glenn at humahataw sa pagkukuwento. Sino nga ba ang mag-aakalang p’wede palang sirain ng isang aksidente ang lahat ng pinaghandaan, pinaghirapan, at pinagplanuhan natin. Traydor ba talaga ang buhay?

Saglit pa, binalikan namin ang pang-regalong una kong nakita. Binili ko ‘yon at pinabalot nang maganda at inilagay sa bag ko. Niyaya namin si Glenn na sumama sa pa-party pero tumanggi na s’ya. Medyo masakit pa raw ang sugat n’ya sa noo. Nangako na lang akong sasamahan ko s’ya sa Sabado sa St. Luke’s para magpa-CT scan. Mabuti na rin kasing makasigurado na hindi naalog ang utak n’ya.

Nakarating kami sa pa-party ng kaibigan kong bagong graduate. Kumain kami. Sangkatutak. Uminom. Nakipagkuwentuhan. Nang mag-a-alas-onse na, nag-French exit na kami. Pagdating namin sa bahay, binuksan ko ang bag ko. Tumambad sa akin ang regalong binili ko. Natawa ako. Hindi naman siguro masama, kung paminsan-minsan, magiging ganito ang Linggo ko.

Ika-16 ng Mayo, 2009
Cainta, Rizal

2 comments: