Tuesday, February 10, 2009
Elevator
Madalas umaga ang klase ko sa Espana. Dahil sa pagpapainin ko sa higaan at sa karumal-dumal na trapik, halos lumipad ako pagkababang-pagkababa sa dyip para hindi maunahan ng tuturuan ko. Tumataas agad ang blood pressure ko kapag naaabutan kong mahaba ang pila ng mga sasakay sa elevator. Isa lang kasi ang kahulugan noon. Kailangan kong magdusa bago ako tuluyang makapagturo.
Dahil p’wedeng maging main attraction sa National Museum ang elevator na maghahatid sa amin sa mga palapag na pupuntahan namin, limitado lang ang nakakasakay sa bawat b’yahe, pataas man o pababa. Hindi ‘yon nakabatay sa dami ng tao. Sa halip, nakadepende ‘yon sa pinagsama-samang timbang ng mga sasakay. Kapag sobra, kahit isang guhit lang, tutunog ang elevator. Ganoon ‘yon kasensitibo. Isang malakas na buzzer ang papailanlang at mapapalingon ang lahat, tila may hinahanap na contestant na gustong sumagot sa isang game show na isang milyon ang jackpot.
Kapag bumukas ang elevator, bubungad ang operator na nakaupo sa isang mataas na silya. All-around ang operator na ‘yon. Sa pagitan ng pagtaas at pagbaba ng elevator, sumisimple rin s’ya para maging janitor, messenger, at security guard sa building. Minsan nga, nagdududa na ako. Pakiwari ko, dating taga-Jollibee ang operator. Bukod kasi sa ngiti n’yang pagkatamis-tamis, babati pa s’ya ng --- “Good morning! Kamusta po?” Kapag may nakarinig na ibang tao sa inyo, mapapaisip sila. Aakalain nilang magkumpare kami ng operator, sa binyag o kaya, sa kumpil. Kapansin-pansin din ang t-shirt n’yang dilaw. Tuwing makikita ko s’yang naka-dilaw, nai-i-imagine ko kung gaano karaming giveaway t-shirt sa Ninoy Aquino rally o sa EDSA People Power anniversary ang nakulekta n’ya. Tapos, kapag pinipindot na n’ya ang button para sa palapag na pupuntahan ako, dudutdot s’ya nang dudutdot. Parang may quota ang pindot bago malaman ng elevator kung saang palapag dapat huminto at bumukas.
Biglang nasira ang pamilyar na pakikisalamuha ko sa mahabang pila, sa operator, at sa elevator ng lumang building sa Espana nang minsan, isang mainit na umaga, may isang babaeng umeksena. May presence ang babaeng ‘yon. Sa unang tingin, kung kinukunan s’ya ng isang digital camera, okupado n’ya agad ang buong frame kahit hindi pa man naka-zoom ‘yon. Sa suot n’yang blusa, parang mahihiya ang lahat ng bulaklak sa hardin dahil sa tingkad ng kulay noon.
Mula sa kinatatayuan ko sa mahabang pila, tiningnan ko s’ya mula ulo hanggang paa. Hindi kasi s’ya pumila. Parang imbisibol kaming lahat. Tumayo lang s’ya sa bandang kanan, tatlong dipa mula sa pila namin tapos binuksan n’ya ang dala n’yang isang plastik ng fish cracker at sabay dukot tapos subo. Narinig namin ang lutong ng fish cracker nang ngumuya na s’ya.
Saglit pa, may isang batang tumakbo sa harapan ng elevator. Hindi ko napansin kung saan s’ya nanggaling. May sinusupsop ‘yong softdrink sa plastik. Halatang nakyutan sa bata ang mga nakapila sa unahan ko. Halos sabay-sabay silang napabuntonghininga na parang ang gaang-gaang ng pakiramdam.
Nang tingnan ko ang malaking orasan sa lobby, halos sampung minuto na pala kaming nakapila. Hindi pa rin bumubukas ang elevator. Late na ako. Bumulong-bulong na ako. Simulan ko na ang pagsasanay sa sasabihin kong dahilan kung bakit ako nahuli sa klase.
Maya-maya pa, biglang bumukas ang elevator. Bumungad sa amin ang operator. Bagong suklay ang basang buhok n’ya. Dala ng hanging mula sa elevator ang halimuyak ng Safeguard. Sa tapang ng amoy ng Safeguard, parang wala ng germs sa katawan ang operator. At bago s’ya makangiti sa akin at makapagbitaw ng Jollibee-inspired greeting, mabilis na pumasok ang babaeng kumakain ng fish cracker. Sabi n’ya sa cute na bata, “Go inside, Baby. Go. Go.” Sa halip na pumaloob para hindi kami mahirapang magsipasukan, mas pinili ng babaeng tumayo sa gitna. Sunod-sunod kaming nag-excuse me sa kan’ya. At dahil magkasing katawan kami, mabilis naming narinig ang buzzer. Lumabas ang huling pumasok na lalaki (na kasunod ko sa pila). Nang sumara ang elevator, nalaman ng lahat na sa pinakamataas na palapag pala bababa ang babae.
Biglang nagpanting ang tenga ko. Narinig ko na lang ang sarili ko na nagsabi, “Dapat kasi, hindi sumisingit. Kaya nga may pila, e.” Bigla akong nilingon ng babae. Sumagot s’ya at walang kaduda-dudang para sa akin ‘yon. “Don’t you see. I’m with a kid. I’m sure, you haven’t gone abroad. You don’t have ethics!” ratsada ng babae habang nginunguya ang natitira pang fish craker sa bibig n’ya.
Parang huminto ang oras. Sa sinabi n’ya ‘yong, napuwersa akong maglimi. Wala nga ba akong modo dahil ‘di pa ako nanakapunta sa ibang bansa? Gusto ko sanang hamunin s’yang ilabas n’ya ang passport n’ya para mapatunayan sa lahat ng nakasakay sa elevator na nakapag-abroad na nga s’ya pero ‘di ‘yon ang naibulalas ko. Sabi ko, “Hoy, Misis, wala kayo sa ibang bansa. Dito sa Pilipinas, pumipila para may kaayusan. Sa ginagawa n’yo, maling values ang itinuturo n’yo sa anak n’yo!” Parang narinig ko ang mga iba pang sakay na bumanat ng isang bonggang-bonggang cheer kasunod ang pagwagayway ng makapal na pompoms.
Nanlaki ang mga mata ng babae nang balikan n’ya ako. “Bastos. Antipatiko. Pumapatol sa babae!” sunod-sunod n’ya hirit. Sa tono n’ya, parang ninakawan ko s’ya ng puri, dignidad, o pagkatao. Gigil na gigil s’ya sa galit. “See that, Baby. That man is bad!” sabi n’ya sa bata. Napuno talaga ako. Bakit kailangan ipamukha n’ya sa batang masama ako? Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Nag-isip ako nang matinong pambara. Kasunod ng isang malalim na hinga, sabi ko sa kan’ya, “F*ck!”
Parang eksena sa isang pelikula ni Ishmael Bernal, biglang bumukas ang elevator. ‘Yon na ang palapag ko. Lumabas akong hindi nagsasabi ng excuse me. Sa gilid ng mata ko, nakita ko ang nangangatog na operator. Ilang segundo pa siguro, nag-riot na kami ng babae sa loob.
Kung gaano ‘yon kabilis bumukas, ganoon din ‘yon kabilis sumara. Ilang hakbang pa, nasa reception area na ako ng pagtuturuan ko. Umupo ako para huminga nang maluwag. Takang-taka ang staffers na nabungaran ko.
Nang inakala kong tapos na ang gulo, biglang bumukas ang pinto. Nagtatalak ang babae. Dinuro-duro n’ya ako. Hinanap n’ya ang manager. Isusumbong daw ako. Ang ganda-ganda raw ng reputation ng pinagtuturuan ko pero sinisira ko. Hindi nakasagot ang staffers. Umarangkada ulit ang babae. Makakarating daw sa may-ari ng pinagtuturuan ko ang nangyari. T’yak daw na mawawalan ako ng trabaho. Tingnan daw namin kung kakasa pa ako. Tumikim ako tapos sinabi ko sa babae, “Kapag ‘di ka tumigil, bibigwasan kita.” Mabilis s’yang lumabas at bago sumakay sa elevator, naglitanya pa s’ya ng kung anu-ano pero hindi ko na inintindi ‘yon. Nasa klase na ako at nagsimulang magturo ng tamang intonation kapag bumabati ng “Good morning!”
Lumipas ang maraming araw na hindi namin pinag-usapan sa pinagtuturuan ko ang tungkol sa babaeng ‘yon. Nabalitaan ko na lang na kinausap pala talaga ng babae ang manager namin. Nang pinagkuwento ako ng manager, s’yempre, luminaw sa kan’ya ang mga bagay-bagay. Sabi ng manager, “Grabe!”
Dahil isinama ko sa New Year’s resolution ko ang paggising nang maaga, hindi ko na kinakailangang magmadali sa pagpasok. Kapag mahaba ang pila ng mga sasakay sa lumang elevator, pinipili ko na lang na maghagdan. Mabuti rin naman kasing natatagtag ang mga bilbil ko. Pero kapag wala namang pila, nagtitiyaga akong maghintay para makasakay sa elevator. Nakaka-miss, e. Nitong huli, napansin ko, habang kasama ko ang operator sa loob ng elevator, tahimik s’yang nagdarasal na ‘di ko na sana muling magkasabay sa elevator ng babaeng kumakain ng fish cracker.
Ika-16 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal
Subscribe to:
Posts (Atom)