Wednesday, January 28, 2009

Dapo











Nagpapahinga kami sa kubo noon nang nahatak ako ng bidahan nila Mama at Glenn. May kapitbahay daw kaming napabilib sa alagang orchids ni Mama.

Noong nasa Valenzuela pa kami, may mga halaman sa harap ng bahay namin. Hindi ko matandaan kung si Lola Meding ang nagtanim ng mga ‘yon o si Mama. Malulusog ang mga halaman. Ayun nga lang, parang walang plano ang pagkakatanim sa kanila. Kasama ng mga halamang namumulaklak ang mga samu’t saring gulay at gamot sa ubo, kabag, at pigsa.

Nang lumipat kami sa Binangonan, na-excite akong ayusin ang harapan ng bahay. Nang nagpa-canvass ako ng landscape services, aabutin daw ng P20,000 ang pagpapaganda. Hindi ko kaya. Sa tulong ni Erwin, nagtabi ako ng budget na magaang tapos kami na ang namili ng mga bato at halaman. Kasama na rin doon ang bermuda grass. Presto. Impressive naman ang kinalabasan. Nang kalaunan, dahil hindi naman ako madalas sa Binangonan, nawala na priority ko ang paghahalaman.

Dahil sa ilang trips namin sa Tagaytay at sa paghinto-hinto kapag may nakikitang garden shops, marami-rami na rin pala kaming halaman sa bahay. At sa pagkakataong ito, parang pinag-isipan kung anu-ano ang dapat meron kami. At sa mga halamang meron kami, ang orchids ni Mama ang labis na kahanga-hanga.

“Bilib na bilib si Kapitbahay sa orchids,” tuloy ni Glenn sa kuwento niya. “Talagang dinayo n’ya si Mama rito. May nagkuwento kasi sa kan’ya sa isang meeting ng neighborhood association. Hindi raw siya makapaniwala kung paano napamulaklak ni Mama ang orchids n’ya. ‘Yong orchids daw kasi n’ya, kung ‘di namamatay agad, bihirang mamulaklak. Imported pa naman daw ‘yon.”

Nang nag-elaborate si Mama, na-imagine ko si Kapitbahay. Parang siyang donya sa mga palasak na teleserye. May shoulder pads ang outfits. Parang kay Jun Encarnacion. Kita ang highlights ng buhok kahit hindi nasisilawan ng liwanag. At s’yempre, amazing ang makikinang na bato sa suot na singsing o hikaw o kuwintas.

“Ang ganda raw ng orchids ni Mama. Matitingkad ang mga kulay. Healthy ang petals. Tapos, mukhang kakaiba ang amoy,” dagdag ni Glenn.

“Pinilit n’ya akong sabihin sa kan’ya kung anong secret ko sa pag-aalaga ng orchids,” yabang ni Mama.

“Sinabi mo?” tanong ko.

“Noong una kasi, sabi ni Mama, wala s’yang secret. Pero mapilit si Kapitbahay. Tapos, nagpa-picture pa s’ya kasama ang orchids. Basta, hindi makapaniwala si Kapitbahay sa pamumulaklak ng orchids ni Mama. Hula n’ya, may patabang inilalagay si Mama,” litanya ni Glenn.

“Sana sinabi mo, may green thumb si Mama,” salo ko kay Glenn.

“Wala. Hindi totoo ‘yon,” sabi ni Mama.

“So, wala ka talagang secret?” mabilis na balik ko.

“Meron,” nakangiting sagot ni Mama.

“Ano?” super excited kong dugtong.

Habang inaamoy raw ni Kapitbahay ang orchids, kinulit niya nang kinulit si Mama tungkol sa secret. Huling hirit daw niya kay Mama, “Ano nga ba ‘yon?”

Taas-noong revelation ni Mama, “Sa umaga, dinidiligan ko sila ng ihi!”

Ika-10 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

Sunday, January 25, 2009

Kampay


Matapos ang hapunan, nagyaya sila Glenn at Erwin na mag-inuman. Tamang-tama raw ‘yon habang hinihintay namin ang paghihiwalay ng taon. Tumango lang ako. Kanina kasi, bumili na sila ng Emperador.

Sa kubo namin kami pumuwesto. Bago nagsimula ang tagayan, marami pang inayos. Kay Mama ang ihawan ng tilapya, liyempo, at hotdog. Kay Erwin ang TV at ang Magic Sing. Kay Glenn ang baso, ang alak, at ang pipinong binabad sa suka. Ako naman, sumalampak na sa paborito kong sulok. Panay lang ang text. (Hindi ako “domesticated”, e.) Naglalaro naman ng PSP ang mga pamangkin ko. Nasa loob sila ng bahay kasi maulan ng gabing ‘yon.

Tinanong ni Mama kung nasaan si Bernil. Sabi ko, umuwi sa kanila sa Tarlac. Dumating kasi ang kapatid n’ya galing sa Hong Kong. Gusto s’yang makita. Tumango lang si Mama tapos binalikan na ang pagpaparingas sa uling. Sakto sa pag-sound check ni Erwin ng Magic Sing, lumabas si Glenn dala ang isang magarang bote ng Fundador Exclusivo. Kasunod n’ya ang asawang si Liza, dala ang pipinong binabad sa suka.

Hinanap ko kung nasaan ang Emperador. Malakas na tumawa sila Glenn at Erwin. Isinalin pala ni Glenn ang Emperador sa magarang bote ng Fundador Exclusivo. Pasalubong pala ang Fundador Exclusivo ng isang kapitbahay na sea man. Itinabi lang ni Glenn ang bote para maalala n’yang minsan, nalasing s’ya ng Fundador Exclusivo.

Hindi ko makuha ang point ni Glenn kung bakit kailangang isalin pa n’ya ang Emperador sa bote ng Fundador Exclusivo hanggang sa may isang kapitbahay na dumaan. Niyaya naming tumagay pero tumanggi. Nahiya siguro. Malamang hindi n’ya ako kilala. Bihira kasi akong umuwi sa Binangonan. Pero sa mukha ng kapitbahay namin, bakas ang paghanggang umiinom kami ng Fundador Exclusivo! Tawanan kaming magkakapatid. Kumbinsido ako. Status symbol pala ang Fundador Exclusivo kahit bote na lang noon ang meron kami. Nakisakay na rin ako.

Si Glenn ang nagtagay ng Emperador. Pepsi ang pantulak para raw s’wabe. Sandali pa, sunod-sunod na ang birit ni Erwin sa Magic Sing. Humahalili sina Glenn at Liza. Sumubok din si Mama pero tumiklop dahil sa kant’yaw nila Glenn at Erwin. Nangangatog kasi ang boses ni Mama. Parang tumitira ng Kundiman. Pinasaya na lang n’ya ang sarili n’ya sa sa ibinigay kong Novellino. Sosyal ang feeling n’ya. Maya-maya pa, pinapak na namin ang tilapya at liyempo. Naglabasan ang mga pamangkin ko nang naamoy nila ang hotdog. Tig-iisang stick sila. Masarap daw. Juicy.

Tuwing nag-iinuman kami, hindi ako nagsasalita. Desisyon ko ‘yon. Parang ritwal. Nakikinig lang ako sa mga kapatid ko at kay Mama. Hindi naman sila nagrereklamo. Nasanay na rin siguro. Naisip ko, mabuti na rin ‘yon. Minsan kasi, sobrang talas ng dila ko. Sa halip na mas maintindihan ang gusto kong sabihin, nakakainsulto pa ako. Hindi ko alam kung bakit ganoon. At kahit pilitin ako, hindi na rin ako interesadong malaman ang dahilan. Masaya na ako sa pananahimik kapag nakikipag-inuman kasama ang pamilya ko. Iba s’yempre kung iba ang kaharap ko. Ibang kuwento ‘yon.

Mabilis na lumipas ang oras. Sa pagitan ng mga tagay namin, marami akong nalaman. May Christmas party pala sa block namin at may ilang kapitbahay na mas mababa sa napagkasunduang P250 ang pinang-exchange gift. May kababata pala kaming napaaway at nakulong at hiniwalayan ng asawa. May kamag-anak na nag-abroad na. May kakilala kaming walang balita tungkol sa kaniya. Namatay na pala ‘yong kapitbahay naming hindi nagbubukas ng bintana kapag nangangaroling kami. Nabanggit din ni Mama ang ugali ni Papa kapag nalalasing. Kahit ano raw ang mangyari, kahit gaano kalasing si Papa, uuwi at uuwi siya sa amin. Nang iniabot sa akin ni Glenn ang sumunod na tagay ko, tahimik ko ‘yong inialay kay Papa.

Nang nagputukan na, tuwang-tuwang naghiyawan ang mga pamangkin ko. Nagpataasan din sila ng lundag, kipkip ang pag-asang magsisitangkaran sila. Nagsalitan din sila sa pagtorotot. Kinalampag ko ang mga kaldero habang nagsasabog ng barya si Mama papasok sa bahay. Nagbatian kami ng Happy New Year. May halik sa pisngi. May yakap na mahigpit.

Isa-isang sinindihan nila Glenn at Erwin ang mga kuwitis. Supot ang fountain pero nagpalakpakan pa rin kami. Eskandalosong pumutok ang Sinturon ni Hudas. Pumulandit ang mga lusis. Nang tumingala kami, pagkaliwa-liwanag ng kalangitan. Parang sumambulat ang libo-libong bituwin. Parang sumirit ang laksa-laksang bulalakaw.

Naramdaman ko ang sarap, ang nakakahilong tama ng Emperador, na isinalin sa magarang bote ng Fundador Exclusivo, habang hinahabol ko ang naging kabuluhan ng taong kalilipas lang.

Ika-7 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

Saturday, January 24, 2009

Biko



Biko ang pasalubong namin kay Lola Meding noong Pasko. Binili namin sa aleng nagtitinda sa isang kantong nadaanan. Ayos daw ang biko, paliwanag ni Mama. Matamis. Mabigat sa t’yan. At higit sa lahat, marami ang makakakain.

Nang dumating kami sa Valenzuela, walang tao sa bahay ni Lola Meding. Nag-alala kami. Pero hindi nagtagal, nakita na rin namin silang dumarating. Nagpunta pala siya sa bahay ni Tito Jun. Kasama niya si Tita Thelma. Kumain daw sila ng fruit salad.

Sa malayo pa lang, tuwang-tuwang kumaway sa amin si Lola Meding. Hindi ko alam kung nakilala n’ya kami agad. Malabo na kasi ang mga mata n’ya. Sa kuwento ni Tita Thelma, medyo alagain na rin s’ya. Kailangan na ring lakasan ang pagsasalita para marinig niya ang sinasabi ng kausap.

Nang nagmano ako kay Lola Meding, tiningala n’ya ako. Para raw akong tore sa taas. Mapintog din daw ang pisngi ko. Parang si Santa Claus. Mabuti raw at nadalaw ko s’ya. Tinanong n’ya kung kumain na kami. Sinabi kong may dala kaming pagkain. Hindi na s’ya dapat mag-alala. Hindi naman kami bisita.

Dahil pagod siguro, biglang napaupo si Lola Meding sa paborito n’yang sulok kapag nagnanganga. Naisip kong sa sulok din ‘yong s’ya nakapuwesto kapag inuutusan n’ya ako noon. Pinabibili n’ya ako ng bigas. Pinapakuha n’ya ang kaning-baboy sa kantina ng isang malapit na pabrika. (Marami kasi s’yang patabaing baboy noon.) Pinapa-order ng softdrinks para sa tindahan n’ya. Pinagtatagpas ng sanga ng puno ng santol kapag maraming higad na namamahay.

Sa dinami-dami ng inuutos ni Lola Meding, pinapaborito ko ang pagbili ng Kislap Magazine at Wakasan Komiks. Sa Kislap kasi, hindi n’ya pinalalagpas ang pinakamaiinit na tsismis tungkol kay Nora Aunor. (Idol n’ya si Nora Aunor kasi magkasing taas daw sila. Talagang nakikipag-away s’ya kapag inilipat ang TV channel habang nakasalang si Nora Aunor.) Sa Wakasan, sinusubaybayan naman n’ya ang seryeng Tubig at Langis. Nagagalit s’ya pag inunahan ko s’ya sa pagbabasa. Kaya, ayun, ingat na ingat akong mabuklat ang Kislap at ang Wakasan dahil kung hindi, kurot ang katapat ko.

Sa bawat utos ni Lola Meding, inaabutan n’ya ako ng “pampadulas”. Bente-singko. Singkuwenta. Minsan, kapag maraming nahilot si Lolo Pule, piso. Hindi ako humihingi ng “pampadulas” pero inaasahan ko ‘yon. Kapag narinig ko na ang sutsot n’ya, nagkakandarapa akong magpapakita sa kan’ya.

Naalala ko rin na kapag wala nga pala kaming ulam sa bahay noon, pupunta lang ako sa kanila. Kapag nakita ni Lolo Meding na panay ang kuha ko ng tubig sa banga sa kusina, maglalabas na s’ya ng kanin at ulam tapos sabay kaming kakain. Wala kaming pinag-uusapan. Parang ang sabay naming pagnguya ang nagkukuwentuhan ng maraming bagay, ng mga pangarap, ng mga gusto naming matupad, mababaw man o matayog. Minsan lang n’ya sinira ang ritwal na ‘yon. Tinanong n’ya ako kung laos na nga ba talaga si Nora Aunor. Hindi ako nakasagot kasi ga-ulo ng pusa ang naisubo kong kanin noon.

Simula nang magkatrabaho ako, dumalang ang pagdalaw ko sa Valenzuela. Pero tuwing magkikita kami, tinatanong ako ni Lola Meding kung bakit wala pa raw akong asawa. Madalas si Mama o ang mga tita ko ang sumasalo. Ipinapaliwanag nila sa kaniya na hindi pa ako p’wedeng mag-asawa kasi walang titingin kay Mama at sa mga kapatid ko. May obligasyon pa raw ako.

Laking gulat ko nang biglang tanungin ni Lola Meding kung sino si Bernil. Hindi ko napansin na napansin n’ya ang lalaking nakaupo sa sopa malapit sa pintuan at sarap na sarap na kumakain ng biko. Kaibigan ko, paliwanag ko kay Lola Meding. Bakit ngayon ko lang nakita, sunod niya. Nagpunta na s’ya rito dati. Kagagaling lang kasi n’ya sa Qatar, salo ko. Mabait siguro s’ya, sabi n’ya sa ‘kin tapos nagkibit-balikat s’ya.

Sandali pa, itinuro ni Lola Meding ang biko. Tinanong n’ya kung ano ‘yon. ‘Yan ang pasalubong namin sa ‘yo, pakli ko. Biko, masiglang tugon n’ya. Gusto raw n’yang kumain noon. Nagtawanan kaming lahat, lalo na ang mga pinsan ko at mga pamangkin. Katatapos lang kasi n’yang kumain ng dalawang malalaking hiwa at ako pa mismo ang nagbigay noon sa kan’ya. Wala pang sampung minuto ang nakakalipas. Sinabi ko ‘yon sa kaniya. Loko raw ako. Hindi pa raw s’ya nakakain ng biko. Bakit ko raw ba ayaw s’yang pakainin, e, mukhang masarap pa naman ang biko. Tawanan ulit lahat. Mas malakas. Nakatingin na kasi silang lahat sa aming dalawa.

Kumuha ako ng platito at binigyan ko si Lola Meding ng isang hiwa. Nagmamadali s’yang sumubo. Tuwang-tuwa. Ang tamis, ang sarap, sabi n’ya. Nangilid ang luha ko nang tila batang ninamnam ni Lola Meding ang bikong pasalubong namin sa kan’ya. Habang pinagmamasdan ko s’ya, gusto kong balikan at pag-usapan namin ang mga “pampadulas” na ibinibigay n’ya kapag inuutusan n’ya ako noon. Gusto kong ibalita sa kan’ya na napabalitang ikinasal sa isang babae si Nora Aunor. Gusto kong sabihin sa kan’ya kung bakit wala pa akong asawa at kung bakit kasama ko sa Bernil ngayon. Gusto kong sabihin sa kan’ya kung ano na ang mga pinagkakakitaan ko. Pero walang salitang lumabas sa bibig ko.

Sa tahimik n’yang pagnguya ng biko, may pagmamalaking ibinida sa akin ni Lola Meding ang pinagdaan n’ya --- isang buhay na masaya, makabuluhan, at punong-puno ng matatamis alaala.

Ika-4 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

Sunday, January 18, 2009

Aritmitik




Sa isang panggabing balita, isang reporter ang kumuntsaba sa isang maybahay para pagkasyahin ang P500 sa Noche Buena. Spaghetti, keso, tinapay, minatamis, softdrinks, at prutas ang lumabas na maihahanda. Hindi na yata nasabi kung ilan silang kakain. Sa huli, ibinahagi ng maybahay kung paano makapagtitipid sa panahon ng krisis. Tandaan din daw na ang totoong diwa ng Pasko ay ang pagmamahalan.

Naalala ko lang muli ang napanood kong ‘yon nang magpunta kami sa SM Taytay. Umungot kasi si Mama na mamili para sa Noche Buena. Ano nga kaya ang mabibili namin sa P500?

Dahil kasama rin namin ang makukulit kong mga pamangkin, hindi ko namalayan ang ikinarga ng cart. Nang bayaran ko, halos P5,000 ang inabot. Dapat may malaki akong reaksyon pero hindi ko na nilabas. Nakasimangot na kasi ang kasunod namin sa pila.

Nang pauwi na kami, nagtuturo ang mga pamangkin ko. Ice cream. Cake. Cotton candy. Mais. Burger. Binulong din ng mga kapatid ko na may kailangang bilhin para sa sasakyan. Dumaan kami sa Ace Hardware. Ayun, ubos ang P1,000 na inilabas ko.

Kinabukasan, matapos ang tanghalian, bumiyahe kami papuntang Valenzuela. Hiling kasi ni Mama na dalawin namin si Lola Meding. Sunog agad ang P1,000 para sa diesel. May panibagong P1,000 pa para sa mga pasalubong.

Sa Valenzuela, pumila ang kamag-anak. Bungad nila sa akin, mukhang mayaman ka na. Pinagpapala raw ang mabuting anak. Ngumiti lang ako. Mahirap yatang tanggihan o itanggi ang ganoong salubong.

Kasunod ng batian at kainan ang kantiyawan ng aginaldo. Sa mga tito at tita, mababa ang P500 bawat isa. Sa mga pinsang wala pang asawa, swak na ang P300 bawat isa. Sa mga anak ng pinsan, P200 kada ulo. Iba rin ang budget para mga anak ng pinsan na inaanak. May SM gift certificate na P500 at cash na P500. Pinakabongga kay Lola Meding, P2,000. Pambili niya ng nganga at saka ng kandila kapag nagsisimba siya. Naki-ambush din ang mga anak ng kapitbahay, bigyan ko raw ng tig-be-bente, kumbinsi ni Mama. Inabot din kami ng mga inaanak ni Papa. Kahit may mga asawa pa, hindi sila nakakalimot na dumalaw. Hindi na sila humihingi ng aginaldo pero pinagmamano nila ang mga anak nila sa akin. Mahirap daw kasi ang buhay at walang trabaho ang mga asawa nila. S’yempre, dumukot din para sa kanila.

Nang pauwi na kami, tinanong ko ang mga kapatid ko kung anong gusto nilang regalo. Si Mama ang sumagot. Pera na lang daw. Kapwa kasi walang trabaho ang mga kapatid ko. Si Glenn, tatlo ang anak. Si Erwin, isa. Nagkagulo ang mga pamangkin ko nang maglabas ako ng pera. Sabi ko, pagkasyahin na lang nila. Ibinilin ko na lang ibili ng sapatos ang mga bata. ‘Yong matibay. Pang-terno sa mga damit na nauna ko naming nabili bago magsimbang gabi. Mas malaki ang ibinigay ko kay Glenn kasi ‘yong bunso n’ya, sumususo pa. Mahal ang gatas. May supresa naman ako kay Mama. Pearl necklace. Nakuha ko kay Ms. Tootsie. Second hand pero ayos naman. South Sea raw ‘yon. Inilagay ko sa box ng Tiffany’s na ibinigay sa akin nila Cheng at Roselle. Nagkagulo ulit ang mga pamangkin ko. Mahal daw ang pearl necklace. May yabang ang ngiti ko. Nang sabihin ko ang presyo, tinawag nila si Mama na donya. Nag-aalangan si Mama na isukat o isuot ang pearl necklace. Baka raw mahablot. Kantiyaw nila Glenn at Erwin, wala raw hahablot kasi hindi naman niya ‘yon isusuot pagpunta ni Mama pagpunta sa palengke. Tuwang-tuwa si Mama ng naisuot na niya ang pearl necklace. Bagong damit na lang daw ang kulang. Bumukas ulit ang wallet ko.

Nang natapos ang araw na ‘yon, hindi magkamayaw sa kaka-tenkyu si Mama, ang mga kapatid ko, at ang mga pamangkin ko. Nalimas man ang perang naitabi ko, tila maluwag naman ang dibdib ko. Nairaos ko ang Pasko. Sabi ng isang kakilala, hindi ko raw dapat ginagawa ‘yon. Hindi ko raw ‘yon obligasyon. Naniniwala ako sa sinasabi n’ya pero hindi ko naman kayang manikis. Nagkataon lang siguro, na ngayon, ako ang meron.

Bago kami matulog, sinabi ko kay Bernil na sa 31st na kami mag-grocery. Binanggit kasi niyang simot na ang ref. Ayos lang daw. Hindi na niya ako tinanong kung bakit dahil nakita n’ya akong panay ang pindot sa calculator. Sa gilid ko, nakalagay ang pitaka kong umimpis.

Nang tuluyan akong pumikit, naisip kong hanapin ang reporter sa panggabing balita. Kukuntsabahin ko siyang hamunin akong pagkasyahin ang P500 para sa Noche Buena namin sa susunod na Pasko. Pero naisip ko, t’yak di ko rin naman mapagtatagumpayan ‘yon. Paulit-ulit ko na lang ibinalik sa kukote ang sinabi ng maybahay --- ang totoong diwa ng Pasko ay ang pagmamahalan.

Ika-2 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal