Wednesday, July 29, 2009

Nata de coco




Halos dalawang linggo na noong binili namin ang isang bote ng nata de coco. Para kasing natakam ako nang madaanan naming ang salansan sa grocery. Naalala ko ang sarap ng halu-halo. Kinulit ako ng kinawilihan kong tamis kaya, ayun, kinumbinsi ko ang sarili kong hindi naman luho ang dagdag na P36 sa pinamili namin. Muni ko pa, lalantakan ko ang nata de coco kapag may nagawa akong “amazing” sa susunod na mga araw.

Noong sabado, birthday ni Olive. Kaklase ko s’ya noong high school. Simula nang maging magka-Friendster kami, madalas kaming nagkakausap sa telepono. Parang may kinalaman sa manpower sourcing ang trabaho n’ya. Maganda at mukhang bigatin na s’ya. (Ikaw pa naman ang makabili at makapagpundar ng bahay at lupa sa Tagaytay.) Maaga s’ya kung tumawag at ang una n’yang linya, “Gising ka na ba?” Pumupungas akong sasagot ng “oo” habang pinipilit na huwag ipahalatang parang galing pa sa puyat ang boses ko. Pinag-uusapan namin ang kalagayan ni Mary Ann at kung paano n’ya nilalabanan ang kanser, ang paghahanap ng trabaho ng mga kapatid ko, ang balak na pagbabakasyon, at marami pang mga bagay na nasa pagitan ng tuwa at saklap. Kaya nang mang-imbita s’ya sa birthday n’ya, sinigurado kong mababakante ako.

Pinagmaneho ako ng kapatid kong si Glenn. Malayo kasi ang Cainta sa Ugong. Baka problema ang pagpunta at ang pag-uwi. Bago magpunta sa venue, dinaanan ko muna si Emer sa South Supermarket. Dahil nagpalinis s’ya ng kuko, natuwa akong makitang naka-tsinelas din s’ya. Sabi kasi ni Olive, may pool sa venue na nirentahan n’ya. Ayun, nag-tsinelas ako. Para pag busog o lasing na, kaunting babad ng paa sa tubig. OA naman kasi kung magdadala pa ako ng swimming trunks. Mahirap masabihang excited. Nang makahagilap kami ng Absolut vodka na pang-regalo, bumiyahe na kami. Dahil may sasakyan din si Emer, bumuntot na lang s’ya sa amin. Nag-text si Jennifer na malabong madaanan naming s’ya dahil pauwi pa rin lang sila galing sa isang out-of-town affair. (Hindi rin makakapunta si Bobby dahil may lakad kinabukasan.)

S’yempre, hindi ko na pahahabain ang k’wento na naligaw kami at nahilo sa kahahanap ng venue baka kasi lumabas na wala kaming sense of direction. Basta nakarating kami sa venue. Period. Nang nakababa kami ng sasakyan, halos sabay kaming nagkatinginan ni Emer. Engrande pala ang handaan. Sitdown dinner ang setup para sa sandaang tao o higit pa. May live band. At sangkatutak ang pagkain. Naka-uniform pa ang waiters. Malayo ‘yon sa iniisip naming intimate na gabi ng kamustahan at tagayan. Natawa kami kasi kaming dalawa lang ang naka-tsinelas. Na-insecure lang ako kasi parang cheap ang tsinelas ko kung itatapat sa suot ni Emer. He, he.

Nang salubungin kami ni Olive, todo-ngiti lang kami para hindi mahalatang nawindang kami sa nadatnan namin. Nang makahanap kami ng p’westo, doon lang ako nakabalita kay Emer. Nitong summer lang pala n’ya naisipang tumanggap ng freelance work. HR-related. Ayos naman daw. Masaya, exciting, at rewarding. Malayo ‘yon sa tinapos n’yang kurso (na IT yata) pero mukhang seseryosohin n’ya. Nasa abroad na lahat ng kamag-anak n’ya. Habang panay ang ring ng celphone n’ya, nabanggit n’ya ang tampo n’ya sa nanay n’ya at kung paanong nagtulak ‘yon sa kan’ya para tuparin kung anuman ang totoong gusto n’ya sa buhay. Nang tanungin ko s’ya kung bakit ‘di n’ya sinasagot ang tawag, kaswal lang n’yang sinabing gusto n’yang turuan ang tumatawag, na dapat ‘di noon sinasayang ang pagmamahal at pagtitiwala n’ya. Hindi na ako nag-follow up.

Kasabay naming dumating si Edwin. Isa na siyang dentista. Matapos ang ilang taon sa abroad, umuwi s’ya para buksan ang sarili n’yang klinika. Balak n’ya lumipat ng p’westo. Nurse ang asawa n’ya at nasa abroad. Kaya bukod sa practice n’ya, pinangangatawanan din n’ya ang pagiging nanay.

Tapos, bigla naming naramdaman ang meaning ng energy nang dumating si Abby. Kasama n’ya ang asawa n’ya, si Mike. Sila pala ang unang dumating at kanina pa lumalantak ng barbecue. Malalaking how are you ang binitiwan namin complete with beso-beso. Mabuti at nakilala n’ya ako at namukhaan naman si Emer. Sobra ang pressure nang ‘di n’ya maalala ang name ni Edwin. (Offer ang sweet smile, humingi s’ya ng apology. Naaksidente pala s’ya. Nabunggo – o nakabunggo? – ang kotse n’ya. Naalog daw ang utak.)

Trainer si Abby. Kakalipat lang n’ya sa isang insurance company galing sa isang manufacturing firm. Malaki raw ang adjustment pero mas tipo n’ya ang ginagawa ngayon. Rumaraket din s’ya sa labas basta tinawagan ng contacts n’ya. Hindi na kami nagtaka nang kinalaunan, s’ya na ang nag-host ng game portion ng party. Parang ‘di s’ya naubusan ng pagod kahit ang “audience” ay tutok sa pagkain at parang patay-malisya sa mga pakulo n’ya.

Nang kumakain na kami ng dessert, sunod-sunod nang dumating ang iba pang kaklase namin.

Si Nancy, na nakatira lang sa malapit. Parang fulltime housewife s’ya. S’ya ang favorite i-volunteer ng grupo sa games. Pinakanakakatawa ‘yong kinant’yawan s’yang nagno-nosebleed dahil English ang instructions ni Abby. Sa dami nang sinalihan n’yang games, ni isang beses ‘di s’ya nanalo. (Sayang. Fabulous pa naman ang prizes. Boy Bawang, among others.)

Si Wendy, na bumiyahe pa mula sa Bicol. Ulirang maybahay din. Kay Olive s’ya magpapalipas ng gabi. Doon na pala s’ya sa Bicol simula nang nakapag-asawa. Taga-DBP ang asawa n’ya. Big time. Bida s’ya nang lumabas ang pili na pasalubong n’ya para sa mga nanay na katulad n’ya.

Si Tess, na simpleng-simple pa rin. Parang hindi s’ya tumanda. Nakakainggit. Supervisor s’ya sa isang factory sa Valenzuela. Hindi ko naitanong kung sino ang napangasawa n’ya o kamusta ang lovelife n’ya pero sa unang tingin, masasabing “blooming” s’ya.

Si Emy, na kasama ang asawa at ang bunsong anak. Biro n’ya, ‘di pa rin s’ya tumangkad. Lumapad lang. Nakakatuwang pagmasdan ang biruan nila ng bunso n’ya at ang pag-monitor n’ya kung nakakailang San Mig Light na ang asawa n’ya. Sa Malanday pa rin pala s’ya umuuwi.

Si Edel, na isang dentista. Sa Malinta ang klinika n’ya. Parang wala pa s’yang anak kung figure n’ya ang pag-uusapan pero sabi n’ya, makukulit daw ang tsikiting n’ya. Napangasawa n’ya pala si Alvis, kaklase namin noong elementary. (‘Di namin s’ya ka-section pero kaklase ko sa agricultural at industrial arts. Nasa brokerage s’ya.)

Si Fred, na taga-Project 8 na. Apat na ang anak. ‘Yong bunso n’ya, hinabol lang daw. Parang malaki ang pagitan mula sa pangatlo. Sila raw ang nagpi-print ng Meralco bills. S’ya ang pinakamalakas uminom ng beer pero parang ‘di nalalasing. Namumula lang na parang hipon.

Si Roman, na super proud sa kasamang asawa at dalawang anak. S’ya ang pinamalakas mang-asar at pinakamalutong tumawa. Sa banat n’ya, parang bumalik ang buskahan at kulitan noong high school. Parang negosyante yata s’ya at tutok sa pagpapalaki ng mga anak.

Si Elmer, na may tindahan (o hardware?) Kasama ang misis at ang anak. Bagets na bagets ang porma n’ya. Fit na fit. Confident din s’ya sa hikaw sa kaliwang tenga. Kahit chickboy pa rin ang dating, halata namang devoted s’ya sa asawa.

Si Rodel, na civil engineer. Nang tinanong ko s’ya kung maganda ang bahay n’ya, sabi n’ya hindi. Tanong ko, “Bakit?” Sagot n’ya, “Hindi maganda. Matibay.” ‘Yon daw ang sinisigurado n’ya sa mga nagpapagawa sa kan’ya. Lilindulin, babagyuhin, lilipas ang panahon pero t’yak na ‘di uuga ang pundasyong itatayo n’ya.

Balak sana naming isama si Mary Ann pero naka-dextrose s’ya. Marami sa amin, s’ya ang iniisip. Katulad ng dasal ng marami para kay Corazon Aquino, sana mabawasan ang sakit na binabata n’ya. Kaya nang matapos ang kainan at palaro at pagtugtog ng banda, may inilabas si Olive. Para ‘yon kay Mary Ann. May ilang items na ipapa-bid. ‘Yong malilikom na pera, ibibigay kay Mary Ann. Si Abby ulit ang punong-abala rito (bukod pa ‘to sa spectacular stint n’ya kasama ang banda. Sobrang galing ng tirada n’ya ng Butter Cup at Dancing Queen. Most-loved din ang Katrina Halili-inspired pantomime dance n’ya ng Careless Whisper, kasama na ang pagtatanggal ng bra at panty. Wow.)

Dito, si Zeny ang center of attention. S’ya kasi ang naatasang kumulekta ng pera. Ganito ang naging siste. Nagsimula ang lahat ng bid sa P100. So, ‘yong unang item, si Edel ang nanalo. Lagpas P300 yata. Malinaw na ang mechanics. Kaya nang inilabas na ang susunod, si Zeny ang unang nag-bid. Sigaw n’ya, “P150!” Tapos, nagkatinginan ang lahat. Walang humirit. Tawanan. Sa madaling salita, si Zeny ang nanalo. Tapos, third item. Parang ‘di natuto, sumigaw ulit si Zeny, “P150!” Nagkaisa ulit lahat. Walang sumunod. Ayun, si Zeny ulit. Sa parteng ‘to, humahagalpak na ang lahat sa katatawa. (Nang tanungin ko si Zeny kung kamusta ang lovelife n’ya, tiningnan lang n’ya ako nang diretso at saka sinabi, “Next question.”)

Huling inialok ni Olive ang isang Goldilocks cake (na regalo) sa kan’ya. Black Forest. Nagsimula ang bid sa P500. Binulungan ko ang sarili ko, “Para kay Agnes ‘to.” Ayun, bigla, may sinabi o may nasabi akong figure. Maraming zero. Sabi agad ni Abby, “Sold!” Nagpalakpakan.

Kinantahan namin ng Happy Birthday si Olive. Maganda ang cake n’ya. May p’wet na naka-design sa ibabaw. Sabi sa message, “We are always behind you!” Sa halip na mag-wish, nagpa-picture na lang si Olive habang tinatangkang dilaan ang p’wet sa cake. Namangha ang lahat sa haba ng dila n’ya. Sabi ko, “Grabe. Ang haba.” Sabi n’ya, “Dala ‘yan nang years of experience.” Hagalpakan.

Dumaan pa sila Olive kay Mary Ann para ibigay ang nalikom sa bidding pero hindi na ako sumama. Maaga pa kasi ang trabaho ko. Hindi man ako makita ni Mary Ann, t’yak ko namang maiintidihan n’ya ‘yon. Si Mary Ann pa.

Nang nasa b’yahe na kami pauwi, bumubuhos ang ulan. Tanong ng kapatid ko, “’Ya, iuuwi mo ba ang cake? Sagot ko, “Hindi. Iuwi mo na. Kainin n’yo nila Mama.”

Nang makarating ako sa bahay, binuksan ko ang bote ng nata de coco. Sa unang subo ko, naalala ko si Olive, si Mary Ann, ang iba pang mga kaklase namin, at ang iba pang matatamis na alaala ng lumipas na mga taon.

Ika-29 ng Hulyo, 2009
Cainta, Rizal

Saturday, July 11, 2009

Memorya



Matagal ko nang balak i-close ang Friendster account ko pero nawawala lang sa memorya ko. Pakiramdam ko kasi, parang ‘di na bagay sa edad ko. Tapos, noong isang linggo, nakatanggap ako ng message. Galing sa kaklase ko noong high school. Meron daw Friendster group ang batch namin. Ilang attempts lang sa search engine, natagpuan ko agad ang Friendster group na sinasabi n’ya.

Parang tumigil ang mundo ko, tapos, hinila ako pabalik sa nakaraan. Kilala ko lahat ang kasaling accounts. Parang kailan lang, excited kami sa JS Prom tapos ngayon, marami na pala sa mga kaklase namin ang may mga anak na pupunta na sa JS Prom.

Natigilan lang ako nang mabasa ko ang thread tungkol kay Mary Ann Agnes Matos. Hindi katulad ng iba, wala s’ya sa abroad. Hindi katulad ng iba, wala s’yang matatag at matagumpay na karera. Hindi katulad ng iba, wala s’yang picture na bonggang-bongga. Malinaw ang sabi sa thread: may brain cancer s’ya. Nabasa ko ang testimonials ng mga anak n’ya, nagpapasalamat sila sa financial assistance na naibigay na ng ilan sa mga kaklase namin. Nabasa ko rin ang paghingi ng dasal para sa kan’ya, na parang ‘yon na lang ang magliligtas sa kan’ya.

Nitong Biyernes, nabalitaan kong pupunta sina Jennifer de Paz sa bahay nila Agnes ng Sabado. Nagpasabi agad ako na sasama. Kinabukasan, kami lang ni Jennifer ang nagkita. ‘Yong iba kasi, biglang hindi pup’wede. Tapos, ‘yong iba, nagpunta na raw pala noong gabi.

Habang ipit kami sa trapik, tinanong ko si Jennifer kung naalala pa n’ya ang dahilan ng pagkakagalit namin noong high school. Ang alam ko kasi, close kami. Dalawa sila ni Agnes sa pinakamalapit kong kaibigang babae. Pero bago mag-graduation, may nangyari at ‘yon, tinikis kong ‘di sila kausapin. Walang maalala si Jennifer. Basta ang sabi n’ya lang, isa ako sa mga lalaking napilit n’yang sumayaw ng swing sa school program. Magaling nga raw ako, e. Napakibit-balikat na lang ako. Nakalimutan ko na rin kasing marunong pala akong sumayaw. At swing pa.

Nang marating namin ang bahay ni Agnes, isang kamag-anak n’ya ang sumalubong sa amin. Kilala ‘yon ni Jennifer. Pinaupo muna kami kasi titingnan pa raw kung gising na si Agnes. Napuyat daw kasi dahil may dumalaw rin noong gabi at halos madaling-araw na umuwi. Nang senyasan si Jennifer ng kamag-anak, mabilis s’yang pumasok sa k’warto ni Agnes. Saglit, sinenyasan na rin ako ni Jennifer na sumunod.

Maliit ang k’warto ni Agnes. Eksakto lang ang haba ng kama n’ya sa loob. May dalawang upuan sa tabi ng kama. Umupo ako malapit sa ulunan ni Agnes. Sa may paanan naman pumuwesto si Jennifer. Parang may silver padding ang kisame ng kuwarto, para siguro mabawasan ang tagos ng init sa bubong. Sa may paanan ni Agnes, may mga santo. Pinakamalaki ang sa Birheng Maria. May mga kandila, bulaklak na plastik, Bibliya, at rosaryo.

Sa maliit na k’wartong ‘yon ni Agnes, umapaw ang napakalaking ngiti na isinalubong n’ya sa amin. Sabi ko, “Kilala mo pa ako?” Ilang beses na kasing nakadalaw si Jennifer sa kan’ya; samantalang ako, ngayon lang sumipot. Sagot n’ya, “Oo naman.” Tapos, sinabi n’ya ang pangalan ko. Nagkamayan kami. Mahigpit ang pisil n’ya sa kamay ko.

Unang bumangka si Jennifer. Pinag-usapan nila ‘yong grupong dumalaw noong gabi. Marami palang k’wentuhan. Sa huntahan nila, nalaman kong nagkikita-kita pa rin pala sila at talagang matindi ang bonding. ‘Yong iba pa nga, inaanak ang mga anak ni Agnes. Nalaman ko rin na kumuha pala sila ni Jennifer ng foreign service sa Lyceum. Marami pa silang pinagtsimisan pero ‘di ko na nasundan. Tumutok na kasi ako sa itsura ngayon ni Agnes. Kalbo na s’ya. Maga ang pisngi. Kulang ang ngipin (o ‘di s’ya nagpustiso). At sa pagkakaratay n’ya sa kama, halatang matagal na s’yang ‘di bumabangon.

Nang balingan ako ni Agnes, tinanong ko s’ya kung naalala pa n’ya ang dahilan nang pagkakagalit namin bago ang graduation. Ngumiti s’ya at tapos, rumatsada. Kasama raw ang ilan pang kaibigan naming babae, pinili nilang sundin ang ipinapagawa ng kalaban ko sa “honor roll”. Pakiramdam ko raw, nabalewala ako. Dahil daw matampuhin ako (at nasulsulan pa ng isang “kaaway” nila), nag-inarte na raw ako at hindi na sila kinausap. Panay daw ang padala nila sa akin ng mga sulat, pero ‘di ko ‘yon inintindi. Noong teachers’ day nga raw, pinadalhan nila ako ng roses, tanda ng paghingi ng sorry. Pero nagmatigas daw ako at ‘di ko tinanggap ang roses. Iyak daw nang iyak si Agnes noon. Alam daw n’yang matindi ang naging galit ko sa kan’ya (o sa kanila). Mas nagngitngit pa raw ako nang malaman kong ang kalaban ko ang nakakuha ng award na alam ng lahat ay para naman talaga sa akin. Sabi ko kay Agnes, “Hindi ko naaalala ‘yon.” Sagot n’ya sa akin, “Kung nakakabangon lang ako, maghahalungkat ako. Ipapakita ko ‘yong mga sulat mo sa akin. Nakatabi pa ‘yong mga ‘yon. Alam mo, ikaw ang pinaka-sweet na kaklase at kaibigan ko noong high school.” Pinigil kong maiyak. Banta nga ni Jennifer sa ‘kin, “’Wag kang magsisimula, ha. Tuloy-tuloy na ‘yan.”

Hinawakan ko ang kamay ni Agnes. Sinabi kong tuwing uuwi ako sa Valenzuela, dumidiretso ako sa Malinta kahit sa Karuhatan ako dapat bumaba. Nagbabaka-sakali kasi akong makikita ko s’ya sa tindahan nila ng halaman sa may MacArthur Highway, pag lagpas lang ng South Supermarket. Madalas kasing hinahatid namin s’ya doon pagtapos naming kumain ng lugaw malapit sa South Supermarket. Habang naglalakad kami, lagi kong napapansin ang p’wet n’ya na pagkalalaki-laki. Nang maging S4 si Agnes sa ROTC, mas naging prominente ang p’wet n’ya. Sabi ko kay Agnes, “Bakit kasi ang laki-laki ng p’wet mo, e?” Pero pagsabi ko ng “p’wet”, nabasag na ang boses ko at nangilid na ang luha mo. Mabuti na lang at may nagpasok ng softdrinks at tinapay, naiba ang ihip ng hangin.

Sinalo ulit ako ni Jennifer. Dinala n’ya ang usapan sa love affairs noong high school kami. Sa mga bitaw ni Agnes, lumabas na tulay o saksi pala s’ya sa napakaraming ligawan. Alam na alam pa rin n’ya kung sino ang na-involve kanino. Muntik na akong masamid nang balingan n’ya ako. Sabi ni Agnes, “’Di ba na-inlove kay “ano”?” Sinabi n’ya ang pangalan ng babae. Sabi ko, “Hindi, a. Crush lang ‘yon.” Salo n’ya, “Hindi. Tinamaan ka sa kan’ya. Kaya lang, pinagtatawanan ka n’ya noon. Sabi kasi nila, bakla ka. Pero sabi ko, hindi ka bakla. Talagang gano’n ka lang. Mahinhin.” Nagtawanan kami. Paliwanag ko, “Alam ko namang pinagtatawanan n’ya lang ako kasi ‘di naman ako pogi. Lalampa-lampa pa ako noon. Mukhang madungis pa.” Dagdag n’ya, “Ang suspetsa nga nila, si “ano” ang crush mo. O kayo ni “ano” ang mag-ano kasi close kayo.” Sinabi n’ya ang pangalan ng lalaki. Dugtong ko, “Hindi, a. Talagang close lang kami.” Hinawakan ako ni Agnes sa kamay at tinanong, “Bakit ba kasi wala ka pang asawa?” Sabi ni Jennifer, “Marami pa kasi s’yang obligasyon.”

Gusto ko sanang sabihin kay Agnes ang totoong dahilan kung bakit wala pa akong asawa pero biglang dumating ang nanay n’ya at nakinig sa usapan namin. Sumilip din ang mga anak n’yang babae, halos dalagita na ang panganay. “’Di ba nagkaroon ka pa ng isang crush?” sabi ni Agnes sa akin. “Ay, oo. Pero pinahiya at pinagtawanan din ako noon. Tapos, ‘yong pinsan n’ya, nilait ako. Pinagkalat pa na may putok ako. ‘Di ba tinanong ko pa nga kayo kung totoong may putok ako?” sagot ko kay Agnes. “Tawas! Pinagamit kita ng tawas! Pero teka, bakit mukhang mabango ka na ngayon? Epektib ba talaga ang tawas?” hirit ni Agnes. Humagalpak kami ng tawa. “Hindi ka galit sa kanila?” tanong ni Agnes. “Kanino? Kina “ano” at “ano”?” paglilinaw ko. “Oo, sa kanila,” diin ni Agnes. Umiling ako. Sinabi kong tumanda na ako. Binago na ng panahon. Hindi na ako matampuhin o mapagtago ng hinanakit. Hindi na rin ako nakukuha sa sulsol. Isa pa, anuman ang naging palagay o pagtingin nila sa akin, sa huli, ako pa rin ang gagawa at pipili nang magpapasaya sa akin at ng bubuo sa akin bilang tao. Tumango lang si Agnes, paulit-ulit.

Sandali pa, pumasok ang bunsong anak ni Agnes. Tumabi ‘yon sa kan’ya, parang naglalambing. Sabi ni Jennifer, “Mukhang mama’s boy ‘yan, a.” Sabi ni Agnes, “Hindi. Mas malapit ‘to sa tatay. Kaya lang, simula nang may mga dumadalaw sa akin, sinasabihan s’ya na bantayan ako. Kasi, kukunin daw ako ng mga bisita.”

Kinausap si Jennifer ng nanay ni Agnes. Ako naman, kinausap ni Agnes. Sabi ni Agnes, “Alam mo ba, ‘tong bunso ko ang dahilan kaya pinipilit kong mabuhay. Maliit pa kasi s’ya. Mahirap ang mawalan ng nanay.” Pinisil ko ang kamay ni Agnes. Parang sasabog ang dibdib ko. Narinig ang pangamba ng isang ina. Walang makapagpapakalma sa pangambang ‘yon kung ‘di matinding pananampalataya lang.

“Sabi ng duktor, halos ga-mais lang ‘yong nakita nila sa ulo ko. Pero dalawa yata. Tapos, meron din dito sa dibdib ko,” paliwanag sa akin ni Agnes. “Bakit ‘di ka magpa-opera?” dugtong ko. Umiwas nang tingin si Agnes. May sinabi s’ya tungkol sa gamot at cobalt treatment at kung paanong ikinahihina n’ya ‘yon. Hindi na nga rin s’ya makalakad dahil doon. Sinabi n’ya ring nakakuha na rin sila ng second opinion. “’Yong laki na lang nang pananampalataya ko ang tutunaw sa ga-mais na nasa ulo ko.”

Tinanong ko kung ano na ang kundisyon n’ya ngayon. Umiinom na lang daw s’ya ng pain killers para tapatan ang pagsakit ng ulo n’ya, ng likod, ng dibdib. Hindi ko alam kung ginusto ng langit ang kalagayan o ang kinahinatnan ni Agnes ngayon. Pero iisa lang ang natitiyak ko, hindi nasira, hindi naigupo, ng ga-mais na cyst ang utak at puso ni Agnes. Kung sino pa ang may kanser sa utak, s’ya pa ang may pinakamalinaw na alaala ng mga nakaraan. Kung sino pa ang may tama sa dibdib, s’ya pa ang may puso para umiintindi, magpatawad, at magmahal.

Marami pa kaming napag-usapan. Tungkol sa buhay-buhay ng mga kaklase namin. Tungkol sa mga naging teacher namin. Tungkol sa grand reunion namin. Nang nagpaalam na kami ni Jennifer, naisipan naming magkuhaan ng pictures. Nang kami na ni Agnes ang kukunan ni Jennifer, hindi binitiwan ni Agnes ang kamay ko. Mahigpit ang hawak n’ya. Naramdaman ko ang init, ang lakas, ang buhay.

Mabuti na lang at ‘di ko na-close ang Friendster account ko. Nang pauwi na ako, tiningnan ko ang mga kuha ni Agnes, ang mga kuha namin. Naalala ko ang sinabi ko sa kan’ya bago namin kinuha ‘yon, “O, Agnes, magsuklay ka na.” Ngumiti lang s’ya. Alam n’yang likas sa akin ang magbiro. Ang mang-asar. Tapos, sinundan ko pa ‘yon, “Ano bang shampoo mo ngayon?” Ngumiti ulit s’ya. Matamis. Nakuha ng kamera ang mga ngiting ‘yon na hinding-hindi mabubura sa aking memorya.

Ika-17 ng Mayo, 2009
Cainta, Rizal

Linggo



Planado ang Linggo na ‘yon. Gumising kami ng alas-otso. Naglaba at naglinis ng bahay. Nilagang baboy ang tanghalian tapos may isang oras na pahinga. Dahil may meeting ako ng alas-k’watro, dumating kami nang mas maaga ni Bernil sa Gateway para makapaghanap pa ng regalo. Graduation kasi ng isang kaibigan. May pa-party s’ya ng alas s’yete. Nakakahiya namang wala kaming bitbit.

Pag baba namin ng LRT2, papasok sa Gateway, may nakita kami kaagad na p’wedeng pangregalo pero sabi ko, babalikan na lang namin. Baka kasi may mas maganda pa at mas mura sa loob ng mall. Tapos, bigla naming nakasalubong si Glenn Sevilla Mas. Dahil ilang linggo na ring ‘di kami nagkita, automatic ang naging huntahan namin. Napansin ko ang namumulang sugat n’ya sa noo. Sabi n’ya, pareho na raw sila ngayon ni Harry Potter. May marka. Sabi ko naman, kung kay Harry Potter, korteng kidlat; ang sa kanya, korteng sumabog na kulog. Hindi na namin inisip kung may sense ba ‘yon basta humagalpak na lang kami ng tawa. Tapos, niyaya ko s’yang samahan kami sa paghahanap ng pangregalo. Hindi naman s’ya tumanggi.

Nagpunta kami sa isang mamahaling bookstore. Pero mahigit isang libo ang presyo ng librong tumawag sa pansin ko. Lumipat kami sa video shop. May DVD collection na swak na swak sana pero kahit naka-sale, aabot pa rin ng halos isang libo. Nang tumunog ang celphone ko, umakyat na kami sa may Foodcourt para puntahan ko ang ka-meeting ko. Iniwan ko muna sila ni Bernil. Humanap sila ng isang mesa at doon pumuwesto.

Nang halos kalahating oras na akong nakikipag-meeting, biglang lumapit si Glenn sa kinauupuan namin. Pinakita n’ya sa kausap ko ang picture n’ya sa celphone n’ya. Duguan. Putok ang noo. Hindi alam ng kausap ko kung saan s’ya kukuha ng reaksyon. Parang sinenyasan ko yata si Glenn na umalis muna kaya nadispatsa ko s’ya agad. Sinabihan n’ya lang ako na bilisan ko kasi gutom na s’ya.

Nang natapos ang meeting ko, kumakain na s’ya habang panay pa rin ang kuwento kay Bernil. Pag-upo ko, sinabi ni Bernil na bibili s’ya ng pagkain namin.

Bago sumubo si Glenn, sinabi n’ya sa akin, “Alam mo, isa ka sa limang tinext ko noong naaksidente ako. Nagpadala pa nga ako ng picture ko, e.” Nawindang ako. Ngayon, alam ko na kung bakit n’ya ako sinugod sa gitna ng meeting ko. Sabi ko, “Ha? Wala akong natanggap. ‘Yong text lang ni Tim Dacanay ang nakuha ko. Sabi n’ya, nabangga raw ‘yong sinasakyan mo pero ayos ka naman daw. Bakit, seryoso ba?” Stupid ang tanong na ‘yon kasi biglang bumanat si Glenn. Nakaupo raw s’ya sa unahan ng FX, tapos, nakaidlip yata ang driver. Sa isang iglap, sumalpok ang FX sa isang puno. Dahil ‘di s’ya naka-seat belt, tumama ang noo n’ya sa salamin. Na-shatter ang salamin. Mabuti at ‘di n’ya suot ang eyeglasses n’ya. Kung nagkataon, mas malala pa ang nangyari sa kan’ya. Habang umaagos ang dugo sa mukha n’ya, hinanap n’ya ang gamit n’ya at celphone. Sa ospital, nalaman n’yang kolorum pala ang FX. Tapos, dahil medyo may edad na ang driver, dinaan nito sa drama si Glenn. Si Glenn tuloy ang sumagot ng lahat ng gastos sa pagpapagamot. Bagama’t bugbog ang katawan ni Glenn, matindi ang tama sa noo at ulo n’ya. May mga bubog pa ngang tinanggal sa anit n’ya.

Nang mauubos ko ang burger na binili ni Bernil, bigla kong naisip na muntik na pala akong nawalan ng kaibigan. Kung nagkataon pala, sa lamay ko na lang maririnig ang kuwento ni Glenn. Morbid pero napag-isip ako. Nabundol ako noong nasa second year high school ako. Nag-overtake ang jeep. Napuruhan ako sa beywang tapos tumama ang baba ko sa isang nakausling bakal. Sugat. Tulala ako nang sinakay sa jeep at sinugod sa ospital. Nakita ko na lang ang nanay ko na humahagulgol. Hindi ko na maalala kung ano ang nangyari pero parang nakipag-areglo ‘yong driver. Ngayon nga, iniisip ko, parang may nawala akong “time”. Iniisip ko na baka matagal akong nawalan ng malay at naka-confine lang sa ospital at umaandar ang mundo. Hindi naman ako makapagtanong sa nanay ko kasi, ngayon, mukhang mas malakas pa ako sa kalabaw.

Sabi ni Glenn, nang i-post daw n’ya sa Facebook ang mga kuha n’ya noong naaksidente s’ya, may nag-akalang make-up ‘yon para sa isang play na kasama s’ya. Sa mga katulad kasi naming manunulat at nasa teatro, madalas, dinadaan namin sa pagka-OA ang lahat.

Habang sinisimot si Glenn ang softdrinks n’ya, nagdasal ako nang tahimik. Nagpasalamat ako dahil malakas na ngayon si Glenn at humahataw sa pagkukuwento. Sino nga ba ang mag-aakalang p’wede palang sirain ng isang aksidente ang lahat ng pinaghandaan, pinaghirapan, at pinagplanuhan natin. Traydor ba talaga ang buhay?

Saglit pa, binalikan namin ang pang-regalong una kong nakita. Binili ko ‘yon at pinabalot nang maganda at inilagay sa bag ko. Niyaya namin si Glenn na sumama sa pa-party pero tumanggi na s’ya. Medyo masakit pa raw ang sugat n’ya sa noo. Nangako na lang akong sasamahan ko s’ya sa Sabado sa St. Luke’s para magpa-CT scan. Mabuti na rin kasing makasigurado na hindi naalog ang utak n’ya.

Nakarating kami sa pa-party ng kaibigan kong bagong graduate. Kumain kami. Sangkatutak. Uminom. Nakipagkuwentuhan. Nang mag-a-alas-onse na, nag-French exit na kami. Pagdating namin sa bahay, binuksan ko ang bag ko. Tumambad sa akin ang regalong binili ko. Natawa ako. Hindi naman siguro masama, kung paminsan-minsan, magiging ganito ang Linggo ko.

Ika-16 ng Mayo, 2009
Cainta, Rizal

Istorya



Noong isang taon, mga bandang Oktubre yata, nagising ako dahil sa sunod-sunod na mga text. Nagulantang na ang diwa ko kahit mga isang oras pa dapat akong magpapainin. Nang basahin ko, pare-pareho ang sinasabi. Nakita raw nila ako sa TV. Kinukumpirma kung ako nga ‘yon.

‘Yong ibang kakilala ko at alam kong mahalagang mapanatili ang respeto nila sa akin, sinagot ko nang matino. Sabi ko, “A, siguro sa Camera Café ‘yon sa S’yete. Bagong season na kasi namin. Nang napadalaw ako sa shooting, pina-eksena ako sa likuran. Kunwari may business ako habang bumibirada at nagkakape ang mga bidang artista sa bandang unahan, malapit sa kamera.” Sabi nila, “Uy, nagsusulat ka pala ro’n.” Gusto raw nila at magaling ang show at fan sila. S’yempre, sa bilis kasi ng andar ng closing credits, s’werte na nga lang kung mapansin nila ang pangalan ko bilang writer. So, tinapos ko ang text sa kanila sa isang tenkyu na may smiley sa dulo.

‘Yong ibang kaibigan ko na alam ko namang nangungulit lang dahil naka-unlimited text, sinagot ko nang patarantado. Sabi ko, “Abangan n’yo uling ipalabas pero siguraduhin n’yo, nakaupo kayo nang mas malapit sa TV. Dapat ‘wag kayong kumurap. Titigan n’yong mabuti ang mukha ko. Pag medyo payat, ako na ‘yon.” Hindi na nila ako sinagot at na-enjoy ang natitirang minuto bago ako bumangon.

Nang panoorin namin ang bagong season ng Camera Café, nakita ko ang episode kung saan umeksena ako. Sa bilis at sa layo ko sa kamera, imposibleng may makakilala sa ‘kin. Asar na asar talaga ako. Nahiya naman akong magtanong kung ano talaga ‘yong napanood nila sa TV. Baka sabihin nila, “Hindi pala ikaw ‘yong napanood namin. Mas chubby kasi ‘yon, e. Ikaw, payat.”

Ipokrito ang magsasabi na hindi nila pinangarap ang sumikat o makaangat man lang o maging bida o maging tampok ng usapan, kahit sandali lang. Kapag may dalawang taong nag-usap, laging darating ang pagkakataong magtatangka ang isa sa kanila na makipagtaasan ng ihi, sa anumang paraan. Halimbawa, sabi ng isa, “Alam mo, sira ang araw ko.” Hirit naman ng isa, “Ay, naku, hintayin mo ang kuwento ko. Mas grabe ang araw ko.” Kapag nangyari ‘yon, patunay na ‘yon na gusto ng huling himirit na higitan ang sinabi ng una. Ibig sabihin, gusto n’yang mas makaungos. Katumbas ng pag-ungos ang pagsikat o pag-angat o pagiging bida o pagiging tampok.

Nang minsang kunin akong trainer ng isang TV talent search para sa power hosting segment nila, lumabas ako sa kamera. Nagbigay ako ng opinyon kung sino sa mga kalahok ang magaling at kung sino ang walang binatbat. Dahil panay close-up ang kuha sa akin at medyo natagalan ang exposure ko, maraming nakapansin sa TV appearance ko na ‘yon. Ayun, biglang pinag-usapan ako sa kalyeng tinitirahan ko. ‘Yong kapitbahay ko na halos limang taon ko nang dinadaan-daanan, bigla akong kinausap. Bati n’ya, “Nakita kita sa TV. Bigatin ka pala.” Hindi ko alam kung ang credibility ko bilang trainer ang tinutukoy n’ya o kinukutya n’ya ang “laki ng presence ko” sa screen. Tapos, noong umuwi ako sa amin sa Valenzuela, nakita ko ‘yong nanay ng kaklase ko sa Grade 1. Ipinapapasok sa akin ang anak n’ya sa TV station. Nang tinanong ko kung bakit, mabilis akong sinagot: “Lumabas ka kasi sa TV. T’yak, may koneksyon ka.” Umabot din nang ilang buwan ang reference sa TV appearance ko na ‘yon. Natigil lang ‘yon nang minsang nanigaw ako at nagsabing hindi ako nakikipag-beso-beso sa mga artista. Period.

Noon namang bumandera ang pangalan ko sa isang episode ng “Maalaala Mo Kaya,” surreal na ang naging karanasan ko. Lahat ng mga nakapanood noon, binabraso ako. Ikukuwento raw nila sa akin ang buhay nila basta siguraduhin ko lang daw na ‘yong sikat ang gaganap. Kapag tinanong ko naman kung ano ang drama ng buhay nila, iiwas sila nang tingin at saka hihirit kung cash ang bayaran.

Aminado akong pangarap kong sumikat, pero hanggang ngayon, hindi ko pa alam sa kung paanong paraan o sa anong dahilan. Hindi ko rin alam kung mapapangatawanan ko ‘yon kung sakaling magkatotoo. Inilagay ko sa kukote ko na ang kasikatan ay bunga ng pagtitiyaga, galing, at pagkontrol sa paglaki ng ulo.

Ilang linggo na ang nakakalipas nang makatanggap ako ng isang Facebook message. Pinapa-click sa akin ang isang You Tube link. Nakakatuwa raw. Binalewala ko lang hanggang sa mat’yempuhan ako online ng nagpadala. Kinulit ako. Ayun, napa-click ako bigla. Hindi ko inaasahang makukuha ko sa link na ‘yon ang paliwanag sa sunod-sunod na mga text na gumising sa akin noong Oktubre.

CLICK THIS:
http://www.facebook.com/l.php?u=http%3A%2F%2Fwww.youtube.com%2Fwatch%3Fv%3D_Z7oYHJcVeQ%26feature%3Drelated&h=8abdfaafea6bfb7be97175c9be45cd88

Minsan pala, kahit naglalakad ka lang, p’wedeng maging dahilan ‘yon ng pagsikat mo. Bigla.

Ika-15 ng Mayo, 2009

Cainta, Rizal

Friday, April 10, 2009

Hanapbuhay


Kakatwa ang sitwasyon ko. Wala akong amo. Bukod pa sa hawak ko ang oras ko, nagagawa ko rin kung ano lang ang gusto kong gawin. Pero dahil sa mga nabanggit ko, meron din akong limitasyong madalas lumumpo sa akin. Kapag ‘di ako humataw, wala akong kikitain.

Noong 2000, nagpasya akong mag-freelance na lang. Ayos naman. Pero nitong huling mga buwan, parang naapektuhan na rin ako ng krisis. Dumalang ang projects at dumami ang mga nangbabarat. Kapag dumating na ang katapusan ng buwan, inaatake rin ako ng panic. May bahay at lupa kasi akong hinuhulugan at may nanay, mga kapatid, at mga pamangkin tinutulungan.

Dahil matindi ang pangangailangan ko, isang post sa Yahoo Group ang kinagat ko. Naghahanap daw ang isang post-production outfit ng writer para sa isang audio-visual presentation (AVP). Rush daw. Nag-email ako agad. Pinadala ko ang resume ko at sinabi kong sanay ako sa mga trabahong rush. Huwebes ‘yon. Umaga. Pagkakain ko ng tanghalian, nakatanggap ako ng text. Tinatanong kung interesado raw ako at kung talagang mag-commit sa project. Tatlong salita ang isinagot ko: Yes, yes, yes. Sabi sa akin, kailangan daw makipag-meet sa client kinabukasan, Biyernes. Sabi ko, ayos lang sa akin. Pero dapat, siguraduhin nila na kaliwaan ang bayaran. Kasi, may nakausap na ako pero parang malabo ang magkabayaran agad. Nilinaw ko na hindi ako mukhang pera. Ipinaintindi ko lang na kailangang-kailangan ko ng pera. Sabi sa akin, Lunes daw ang bayaran. Sabi ko: deal. Nang tanungin ako kung magkano ang sisingilin ko, tinanong ko rin sila kung ano ang budget nila. Nagbigay sila ng figure. Sabi ko, payag ako. Basta dapat sa Lunes, makukuha ko ang bayad. In cash.

Kinabukasan, nakipag-meeting ako sa Makati. High profile ang project. Isang senador pala ang magsusulong ng bagong bill. Tapos, gagamitin ng senador ang karanasan ng isang “society” para ipakita na urgent ang bill. Isang PR company pala ang kausap ng kumausap sa akin. Meron na silang AVP pero gusto nilang i-rework ‘yon at idagdag ang “givens” ng senador at gawin ang “bagong” AVP na mas “viewer-friendly”. Gagamitin pala ‘yon sa isang malaking launch sa isang five-star hotel sa Maynila at puro mga batikang manggagamot ang dadalo. Naasiwa lang ako kasi panay ang English ng mga kausap ko. Hindi ko alam kung mukha akong Amerikano o nabasa lang nila ang resume ko. Kung anuman ang dahilan, hindi ko na inintindi. Panay lang ang sulat ko ng mga sinasabi nila para pag nagsulat na ako, wala akong makakalimutan.

Binigyan ako ng ilang DVD’s na papanoorin at aaralin. Dapat daw, matapos ko ang script (in English) para sa isang 10-minute AVP sa Linggo. Rush na rush nga. Muntik na akong masamid pero narinig ko na lang sarili ko na nagsabing kaya ang Linggo. Iba talaga ang nagagawa nang matinding pangangailangan ng pera. Bago maghiwa-hiwalay, nagpirmahan ng kontrata ang mga kausap ko. Napansin kong ang budget para sa writer ay mas mataas ng P5,000 kaysa sa naipangako o sa sinabing budget para sa akin. Naisip ko na ayos lang siguro ‘yon kasi parang sila naman talaga ang nakakuha ng project.

Pagdating ko sa bahay, pinanood ko at inaral ang DVD’s. Nag-transcribe din ako para kung kakailanganin ng client, madali ang cross-referencing ng text. Nakakahilo. Masyadong technical tapos ang hamon sa akin ay gawing touching ang script, without being melodramatic. Ipinadala ko agad ang transcription. Sobra ang tuwa ng client.

Kinabukasan, jingle lang ang naging pahinga ko para matapos agad ang script. Inalagaan ko rin ang English ko para hindi nakakahiya. Kinagabihan, ipinadala ko sa big boss ng PR company para kung may babaguhin pa, maupuan ko agad. Kinabukasan, sobrang flattered ako nang nabasa ko ang email ng big boss. Sabi n’ya, “You’re a genius! The script was great.”

Dahil natapos ko na ang dapat gawin, sa halip na magpahinga, dumalo ako sa isang writers’ meeting. Nang nasa b’yahe na ako, nakatanggap ako ng text sa contact ko. Itago na lang natin s’ya sa totoo n’yang pangalan: Monique. Nire-request n’yang pumunta ako sa opisina nila para tumulong sa editing. Sabi ko, writer ako. Hindi editor. Pinaliwanag ko ring may kumprimiso na ako. Sabi n’ya, “OK. Thanks.”

Lunes. Pumunta ako sa office nila Monique para kunin ang bayad ko. Laking gulat ko nang sabihin n’yang nagkaroon daw ng hasel. Mahal daw ang nakuha nilang voice talent kaya babawasan ng P5,000 ang budget ko. Ha? Malaki ang reaksyon ko. Paliwanag ko, anong kinalaman ko ro’n? Binanggit ko rin na alam kong mas mataas ng P5,000 ang pinirmahang budget para sa akin. Patay-malisya s’ya roon. Sabi lang ni Monique, ‘yon daw kasi ang suggestion ng client. Una raw, ‘di ako tumulong sa editing. Pumalag ako. Inulit ko, “Monique, kinontrata mo ako bilang writer. Hindi ako editor.” Umiwas lang s’ya ng tingin at saka bumuwelo. At pangalawa raw, since mabilis ko naman daw natapos ang script, ibig sabihin, madali lang ang work ko. Ha? Mas malaki ang sumunod kong reaksyon. Sabi ko, hindi madali ang magsulat ng script. (Baka) magaling lang talaga ako (?). Weird ang tono ko nang binatawan ko ‘yon. Walang naging malaking reaksyon si Monique. Parang nalulon n’ya ang dila n’ya.

Para basagin ang katahimikan, tinanong ko kung p’wede ko nang kunin ang bayad ko. Idiniin ko rin na hindi ako papayag na bawasan ang napag-usapan namin. Period. Muntik na akong mahulog sa kinauupuan ko nang sabihin ni Monique na hindi pa raw ako mababayaran. Kesyo tseke daw ang ibinayad at may processing pa at may clearing. Marami pa s’yang paligoy pero ang malinaw sa akin: hindi ako mababayaran. Nanlumo ako. Nakataya na kasi ang makukuha ko sa hulog sa bahay, sa bills, at sa grocery. Para walang hasel, ginamit ko ang computer nila at gumawa ako ng billing statement. Inilagay ko na dapat, mabayaran nila ako sa Miyerkules. Pumirma naman si Monique. Ayaw na rin n’ya sigurong marindi sa boses ko.

Sa awa ng Diyos, halos isang buwan na ang nakalipas, hindi pa rin ako nabayaran ni Monique. Walang nagawa ang billing statement at ang pirmahan. Nangutang na ako at nagdahilan ng kung anu-ano para lang makalusot sa mga kumprimiso ko. Dahil pikon na ako, isang araw, pinutakte ko s’ya ng text. Sinabi n’ya sa akin na tawagan ko raw ang office nila at handa na ang pera ko. Nagbigay s’ya ng name at number. Banas na banas ako kasi wala ‘yong taong sinasabi n’ya at inabot ako ng halos limang oras bago nakatawag sa number na ibinigay n’ya. Tinext ko ulit s’ya. Sumagot. Sabi n’ya, meron daw s’yang malaking event na hinahawakan kaya kung p’wede raw, kinabukasan ko na lang puntahan sa office nila ang sinisingil ko. Ipinamukha din n’yang marketing manager s’ya at ‘di n’ya trabahong asikasuhin ang pagbabayad sa akin. Ano? S’ya ang contact ko tapos ang kapal ng mukha n’ya sabihin sa akin na ‘wag ko s’yang b’wusitin.

Kinabukasan, sumugod ako sa office nila. Walang tao. Tinext ko si Monique. Sinabi ko na hindi na ako natutuwa. Sinabi kong unprofessional s’ya. Sumagot s’ya. In English. Basta ang buod, sinabihan n’ya ako na para akong asong ulol na kahol nang kahol sa kan’ya. Tsumupi na raw ako. Tapos, parang naawa sa akin ang langit. May isang babae ang lumabas sa katabing unit at nag-abot sa akin ng susi. Ganoon daw kasi ang ginagawa n’ya pag nakakatulog ang tao sa loob ng office. Nabuksan namin ang pinto at bumungad sa akin ang editor. Wala kaming dialogue. Nagpupuyos kasi ako sa galit. Sandali pa, inabot n’ya sa akin ang pera. Binilang ko. Sakto. Tapos, nagpasalamat ako at umalis. Nang nasa jeep na ako, tinext ako ni Monique. Sabi n’ya, “Ayan masaya ka na. Sa totoo lang, pangit talaga ang script mo. Maraming grammar mistakes! Hindi na namin sinabi sa ‘yo kasi ayaw naming ma-hurt ang ego mo.” Humagalpak ako ng tawa. Bigla akong naawa kay Monique. Siguro, s’ya ang tipo ng taong hindi naging maganda ang pagpapalaki ng magulang. Parang ‘di s’ya namulat sa kahalagahan ng palabra de honor, sa kahulugan ng pagpapatulo ng dugo para kumita, at sa katuturang ng mabuting pakikipag-kapwa-tao. Ite-text ko pa sana si Monique pero hindi ko na tinuloy. Globe s’ya. Smart ako. Kinapa ko ang pera sa bulsa ko. Naisip ko, sayang ang piso ko.

Ika-30 ng Marso, 2009
Cainta, Rizal

Gudtaym


Maghapon akong naglibot. Kumubra sa mga raket. Halos alas-k’watro na nang marating ang opisina ng Camera Café sa Makati. S’werte at na-ideposito ko pa ang tseke. Nasa ground floor lang kasi ang bangko. Dahil matrapik pa, madali akong nakumbinsi nila Roselle Lorenzo at Cheng Peria na tumambay muna sa opisina. Matagal na kaming magkasama sa show pero ‘yon pa lang yata ang unang pagkatataong nakapagk’wentuhan kami. Nagsalitan kami ng bidahan at kulitan. Nang mag-aala-sais na, pinilit akong sumama ni Roselle sa Bel Air. May grupo raw ng estudyante galing sa PUP na gumagawa ng thesis tungkol sa Camera Café. T’yak daw na matutuwa silang makausap ako bilang isa sa mga writer. Umoo na ako kasi naisip ko na malapit namn ang Bel Air sa Buendia Station ng MRT at may sasakyan naman sila.

Pagdating namin sa Bel Air, present ang producer namin, si Henri de Lorme, at ang director namin, si Mark Meily. Sandali pa, dumating din ang ilan sa cast. Sina Kalila Aguiluz, Christian Vasquez, at Gerald Acao. Nang nagsimula ang interview, na-conscious ako kasi serious pala dapat ang sagot. Akala ko p’wedeng pa-cute lang tapos ayos na. Kinant’yawan nila ako nang kinarir ko ang pagsagot. Tinabla ko na lang sila nang sinabi kong ganoon talaga ako pag dinadaga ang dibdib, nagiging fluent.

Matapos ang paulit-ulit na tenkyu at kodakan, umalis na ang mga taga-PUP. Kumakalam na ang sikmura noon. Kaya nang yakagin naman ako ni Roselle na sumama sa Christmas party sa Alta Productions, tumango ako agad. Bandang-alas-otso na noon. Nang nasa party na kami, pumuwesto kami sa isang sulok at doon kami nanginain. Bumawi talaga ako. Inisip ko na kapag solb na ako, iidlip na lang ako pagdating sa bahay. Maya-maya pa, nakita ko na ang mga bote ng alak. May isang excited simulan ang pagtagay. Umasta akong seryoso sa pagkain para hindi ako tagayan. Maaga pa kasi ang gising ko kinabukasan. May kliyente akong kakausapin. Ibang raket naman.

Nang dumighay ako, siniko ko na si Cheng. Sabi ko, eat-and-run ang plano ko. Sabi n’ya, sabay na daw kaming umuwi. Tatakas din daw s’ya pagdating ng alas-d’yes. Kinumpyut ko ang bayad sa taxi palabas sa Makati. Kung sasabay ako kay Cheng, t’yak, ililibre na n’ya ako at ibaba na lang kung saan madali akong makasakay ng bus o jeep.

Sandali pa, hinila na ako ni Roselle at Cheng sa party. Pumasok kami sa isang k’warto. Sa sikip, ingay, usok, dilim, at dami ng tao sa loob, bumalik sa akin ang horror ng Ozone Disco. Sumimangot ako. Siniko ako ni Cheng. ‘Wag daw akong kill joy. Dali-dali, umismayl ako para ipakita o patunayang ‘di ako kill joy. Nagsigawan ang lahat nang pumagitna ang host. Obvious ang confidence ng host. Hinarap n’ya kasi si Henri, na isang French. Gamit ang English carabao, nag-attempt s’yang magpatawa. Hagalpakan ang lahat. Panay naman ang ismid ko. Nakornihan ako. Siniko ako ulit ni Cheng. Hayaan ko na raw kasi moment naman daw ng host to shine. Maya-maya pa, nag-raffle ng prizes. Tapos, ‘yong boss ng Alta Productions, naglabas ng pera mula sa bulsa n’ya. Ipapamigay daw. Sabi ng host, P25,000 daw ‘yon (o P20,000?) Pero ‘di na mahalaga ang exact amount noon kasi nagkagulo na ang mga tao. Nagpasya silang hatiin ang pera para mas marami ang manalo. Nang humikab ako, sinabihan ako ni Cheng na isinama raw ang pangalan ko sa raffle. Biglang namilog ang mga mata ko at inubos ko ang iniinom kong Sprite.

Tumigil ang raffle nang nag-request ang mga taong tumugtog ang banda. Lumabas muna kami nila Roselle at Cheng para makapagsigarilyo sila. Sa labas, nakita namin ang assistant director namin, si Rollie Inocencio, at isa pang cast, si Patricia Ismael (at ang BF n’ya). Nasa isang table sila kasama sina Christian, Kalila, at Gerald. Kumakain at umiinom sila. Hinila ko si Cheng sa isang sulok at sinabing halos alas-onse na. Sandali na lang daw, sabi ni Cheng. Kumuha kami ng mono-block at pumuwesto sa isang sulok. Sa pagkakataong ‘yon, biglang naging topic namin ni Cheng ang love life n’ya. Diretso s’yang magsalita. Nakinig lang ako. Mas nakilala ko s’ya. Naramdaman ko ang bigat ng dibdib n’ya pero kumbinsido akong mas pinatatag s’ya ng mga pinagdaanan n’ya. Nang ibuga n’ya ang huling usok sa sigarilyong hinihithit, binalak kong bigyan s’ya ng standing ovation. Pero hindi ko na ginawa ‘yon. Masyadong fabulous ang magiging eksena.

Nang alas-dose na, pumasok kami sa loob at naki-party. May nakita akong platic cup at Coke, 2-liter. ‘Yon ang kinaulayaw ko. Nabanas kasi ako sa banda. ‘Yong unang lima o pitong kanta nila, parang noon ko lang narinig. Talagang ‘di ako naka-relate. That’s unfair, sabi ko sa sarili ko. Dapat pini-please nila lahat. Bigla akong kinurot ni Roselle nang mapansin n’yang naging literal ang pagiging wall flower ko. Sa gitna kasi ng high energy, hiyawan, at tagaktak ng pawis ng mga nag-e-enjoy, para akong malaking tumpok ng kampupot na walang pumapansin. Maya-maya pa, nag-retro na ang banda. Hits ng ‘80s ang binanatan nila. Umindak ako nang kaunti pero pigil. Ayokong may makahalata na meron akong napanalunang dance contest trophy noong 1986. First prize. Pista sa baranggay namin.

Nang nagsabi ang banda na babanatan na nila ang huling kanta, lasing o lango na ang lahat. Bangag na rin ako sa antok. Nang pandilatan ko si Cheng dahil uwing-uwi na ako, parang ‘di na umepek. Sobra na yata ang paniningkit ng mga mata ko dahil sa pagod. Bumalik lang ako sa huwisyo nang simulan ang karaoke singing. Ang galing ni Kalila. Powerful ang boses. Nakakatuwa si Gerald. Powerful ang lakas ng loob. Tapos, sumalang ang “All Night Long”, humagalpak kami sa katatawa. Nagpartner kasi si Christian at si Patricia para i-interpret ‘yon. Para kaming nakapanood ng love affair in pantomime, sa saliw ng steps na inspired ng ballroom dancing.

Pasado alas-tres nang sumakay kami ng taxi ni Cheng. Hindi ko na s’ya tinalakan na baka sabog ako sa early meeting ko mamaya. Inisip ko na lang na mabuti at ‘di ako umuwi agad. Bukod sa mabilis kasi ang b’yahe, nakita ko rin ulit kung paano nga ba nahihimbing ang lungsod. Saglit akong pumikit at inalala kung gaano kasarap ang mapuyat, ang magpakalango, at ang makasama ang mga taong punong-puno ng buhay.

Ika-29 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

Tuesday, February 10, 2009

Elevator


Madalas umaga ang klase ko sa Espana. Dahil sa pagpapainin ko sa higaan at sa karumal-dumal na trapik, halos lumipad ako pagkababang-pagkababa sa dyip para hindi maunahan ng tuturuan ko. Tumataas agad ang blood pressure ko kapag naaabutan kong mahaba ang pila ng mga sasakay sa elevator. Isa lang kasi ang kahulugan noon. Kailangan kong magdusa bago ako tuluyang makapagturo.

Dahil p’wedeng maging main attraction sa National Museum ang elevator na maghahatid sa amin sa mga palapag na pupuntahan namin, limitado lang ang nakakasakay sa bawat b’yahe, pataas man o pababa. Hindi ‘yon nakabatay sa dami ng tao. Sa halip, nakadepende ‘yon sa pinagsama-samang timbang ng mga sasakay. Kapag sobra, kahit isang guhit lang, tutunog ang elevator. Ganoon ‘yon kasensitibo. Isang malakas na buzzer ang papailanlang at mapapalingon ang lahat, tila may hinahanap na contestant na gustong sumagot sa isang game show na isang milyon ang jackpot.

Kapag bumukas ang elevator, bubungad ang operator na nakaupo sa isang mataas na silya. All-around ang operator na ‘yon. Sa pagitan ng pagtaas at pagbaba ng elevator, sumisimple rin s’ya para maging janitor, messenger, at security guard sa building. Minsan nga, nagdududa na ako. Pakiwari ko, dating taga-Jollibee ang operator. Bukod kasi sa ngiti n’yang pagkatamis-tamis, babati pa s’ya ng --- “Good morning! Kamusta po?” Kapag may nakarinig na ibang tao sa inyo, mapapaisip sila. Aakalain nilang magkumpare kami ng operator, sa binyag o kaya, sa kumpil. Kapansin-pansin din ang t-shirt n’yang dilaw. Tuwing makikita ko s’yang naka-dilaw, nai-i-imagine ko kung gaano karaming giveaway t-shirt sa Ninoy Aquino rally o sa EDSA People Power anniversary ang nakulekta n’ya. Tapos, kapag pinipindot na n’ya ang button para sa palapag na pupuntahan ako, dudutdot s’ya nang dudutdot. Parang may quota ang pindot bago malaman ng elevator kung saang palapag dapat huminto at bumukas.

Biglang nasira ang pamilyar na pakikisalamuha ko sa mahabang pila, sa operator, at sa elevator ng lumang building sa Espana nang minsan, isang mainit na umaga, may isang babaeng umeksena. May presence ang babaeng ‘yon. Sa unang tingin, kung kinukunan s’ya ng isang digital camera, okupado n’ya agad ang buong frame kahit hindi pa man naka-zoom ‘yon. Sa suot n’yang blusa, parang mahihiya ang lahat ng bulaklak sa hardin dahil sa tingkad ng kulay noon.

Mula sa kinatatayuan ko sa mahabang pila, tiningnan ko s’ya mula ulo hanggang paa. Hindi kasi s’ya pumila. Parang imbisibol kaming lahat. Tumayo lang s’ya sa bandang kanan, tatlong dipa mula sa pila namin tapos binuksan n’ya ang dala n’yang isang plastik ng fish cracker at sabay dukot tapos subo. Narinig namin ang lutong ng fish cracker nang ngumuya na s’ya.

Saglit pa, may isang batang tumakbo sa harapan ng elevator. Hindi ko napansin kung saan s’ya nanggaling. May sinusupsop ‘yong softdrink sa plastik. Halatang nakyutan sa bata ang mga nakapila sa unahan ko. Halos sabay-sabay silang napabuntonghininga na parang ang gaang-gaang ng pakiramdam.

Nang tingnan ko ang malaking orasan sa lobby, halos sampung minuto na pala kaming nakapila. Hindi pa rin bumubukas ang elevator. Late na ako. Bumulong-bulong na ako. Simulan ko na ang pagsasanay sa sasabihin kong dahilan kung bakit ako nahuli sa klase.

Maya-maya pa, biglang bumukas ang elevator. Bumungad sa amin ang operator. Bagong suklay ang basang buhok n’ya. Dala ng hanging mula sa elevator ang halimuyak ng Safeguard. Sa tapang ng amoy ng Safeguard, parang wala ng germs sa katawan ang operator. At bago s’ya makangiti sa akin at makapagbitaw ng Jollibee-inspired greeting, mabilis na pumasok ang babaeng kumakain ng fish cracker. Sabi n’ya sa cute na bata, “Go inside, Baby. Go. Go.” Sa halip na pumaloob para hindi kami mahirapang magsipasukan, mas pinili ng babaeng tumayo sa gitna. Sunod-sunod kaming nag-excuse me sa kan’ya. At dahil magkasing katawan kami, mabilis naming narinig ang buzzer. Lumabas ang huling pumasok na lalaki (na kasunod ko sa pila). Nang sumara ang elevator, nalaman ng lahat na sa pinakamataas na palapag pala bababa ang babae.

Biglang nagpanting ang tenga ko. Narinig ko na lang ang sarili ko na nagsabi, “Dapat kasi, hindi sumisingit. Kaya nga may pila, e.” Bigla akong nilingon ng babae. Sumagot s’ya at walang kaduda-dudang para sa akin ‘yon. “Don’t you see. I’m with a kid. I’m sure, you haven’t gone abroad. You don’t have ethics!” ratsada ng babae habang nginunguya ang natitira pang fish craker sa bibig n’ya.

Parang huminto ang oras. Sa sinabi n’ya ‘yong, napuwersa akong maglimi. Wala nga ba akong modo dahil ‘di pa ako nanakapunta sa ibang bansa? Gusto ko sanang hamunin s’yang ilabas n’ya ang passport n’ya para mapatunayan sa lahat ng nakasakay sa elevator na nakapag-abroad na nga s’ya pero ‘di ‘yon ang naibulalas ko. Sabi ko, “Hoy, Misis, wala kayo sa ibang bansa. Dito sa Pilipinas, pumipila para may kaayusan. Sa ginagawa n’yo, maling values ang itinuturo n’yo sa anak n’yo!” Parang narinig ko ang mga iba pang sakay na bumanat ng isang bonggang-bonggang cheer kasunod ang pagwagayway ng makapal na pompoms.

Nanlaki ang mga mata ng babae nang balikan n’ya ako. “Bastos. Antipatiko. Pumapatol sa babae!” sunod-sunod n’ya hirit. Sa tono n’ya, parang ninakawan ko s’ya ng puri, dignidad, o pagkatao. Gigil na gigil s’ya sa galit. “See that, Baby. That man is bad!” sabi n’ya sa bata. Napuno talaga ako. Bakit kailangan ipamukha n’ya sa batang masama ako? Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Nag-isip ako nang matinong pambara. Kasunod ng isang malalim na hinga, sabi ko sa kan’ya, “F*ck!”

Parang eksena sa isang pelikula ni Ishmael Bernal, biglang bumukas ang elevator. ‘Yon na ang palapag ko. Lumabas akong hindi nagsasabi ng excuse me. Sa gilid ng mata ko, nakita ko ang nangangatog na operator. Ilang segundo pa siguro, nag-riot na kami ng babae sa loob.

Kung gaano ‘yon kabilis bumukas, ganoon din ‘yon kabilis sumara. Ilang hakbang pa, nasa reception area na ako ng pagtuturuan ko. Umupo ako para huminga nang maluwag. Takang-taka ang staffers na nabungaran ko.

Nang inakala kong tapos na ang gulo, biglang bumukas ang pinto. Nagtatalak ang babae. Dinuro-duro n’ya ako. Hinanap n’ya ang manager. Isusumbong daw ako. Ang ganda-ganda raw ng reputation ng pinagtuturuan ko pero sinisira ko. Hindi nakasagot ang staffers. Umarangkada ulit ang babae. Makakarating daw sa may-ari ng pinagtuturuan ko ang nangyari. T’yak daw na mawawalan ako ng trabaho. Tingnan daw namin kung kakasa pa ako. Tumikim ako tapos sinabi ko sa babae, “Kapag ‘di ka tumigil, bibigwasan kita.” Mabilis s’yang lumabas at bago sumakay sa elevator, naglitanya pa s’ya ng kung anu-ano pero hindi ko na inintindi ‘yon. Nasa klase na ako at nagsimulang magturo ng tamang intonation kapag bumabati ng “Good morning!”

Lumipas ang maraming araw na hindi namin pinag-usapan sa pinagtuturuan ko ang tungkol sa babaeng ‘yon. Nabalitaan ko na lang na kinausap pala talaga ng babae ang manager namin. Nang pinagkuwento ako ng manager, s’yempre, luminaw sa kan’ya ang mga bagay-bagay. Sabi ng manager, “Grabe!”

Dahil isinama ko sa New Year’s resolution ko ang paggising nang maaga, hindi ko na kinakailangang magmadali sa pagpasok. Kapag mahaba ang pila ng mga sasakay sa lumang elevator, pinipili ko na lang na maghagdan. Mabuti rin naman kasing natatagtag ang mga bilbil ko. Pero kapag wala namang pila, nagtitiyaga akong maghintay para makasakay sa elevator. Nakaka-miss, e. Nitong huli, napansin ko, habang kasama ko ang operator sa loob ng elevator, tahimik s’yang nagdarasal na ‘di ko na sana muling magkasabay sa elevator ng babaeng kumakain ng fish cracker.

Ika-16 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

Wednesday, January 28, 2009

Dapo











Nagpapahinga kami sa kubo noon nang nahatak ako ng bidahan nila Mama at Glenn. May kapitbahay daw kaming napabilib sa alagang orchids ni Mama.

Noong nasa Valenzuela pa kami, may mga halaman sa harap ng bahay namin. Hindi ko matandaan kung si Lola Meding ang nagtanim ng mga ‘yon o si Mama. Malulusog ang mga halaman. Ayun nga lang, parang walang plano ang pagkakatanim sa kanila. Kasama ng mga halamang namumulaklak ang mga samu’t saring gulay at gamot sa ubo, kabag, at pigsa.

Nang lumipat kami sa Binangonan, na-excite akong ayusin ang harapan ng bahay. Nang nagpa-canvass ako ng landscape services, aabutin daw ng P20,000 ang pagpapaganda. Hindi ko kaya. Sa tulong ni Erwin, nagtabi ako ng budget na magaang tapos kami na ang namili ng mga bato at halaman. Kasama na rin doon ang bermuda grass. Presto. Impressive naman ang kinalabasan. Nang kalaunan, dahil hindi naman ako madalas sa Binangonan, nawala na priority ko ang paghahalaman.

Dahil sa ilang trips namin sa Tagaytay at sa paghinto-hinto kapag may nakikitang garden shops, marami-rami na rin pala kaming halaman sa bahay. At sa pagkakataong ito, parang pinag-isipan kung anu-ano ang dapat meron kami. At sa mga halamang meron kami, ang orchids ni Mama ang labis na kahanga-hanga.

“Bilib na bilib si Kapitbahay sa orchids,” tuloy ni Glenn sa kuwento niya. “Talagang dinayo n’ya si Mama rito. May nagkuwento kasi sa kan’ya sa isang meeting ng neighborhood association. Hindi raw siya makapaniwala kung paano napamulaklak ni Mama ang orchids n’ya. ‘Yong orchids daw kasi n’ya, kung ‘di namamatay agad, bihirang mamulaklak. Imported pa naman daw ‘yon.”

Nang nag-elaborate si Mama, na-imagine ko si Kapitbahay. Parang siyang donya sa mga palasak na teleserye. May shoulder pads ang outfits. Parang kay Jun Encarnacion. Kita ang highlights ng buhok kahit hindi nasisilawan ng liwanag. At s’yempre, amazing ang makikinang na bato sa suot na singsing o hikaw o kuwintas.

“Ang ganda raw ng orchids ni Mama. Matitingkad ang mga kulay. Healthy ang petals. Tapos, mukhang kakaiba ang amoy,” dagdag ni Glenn.

“Pinilit n’ya akong sabihin sa kan’ya kung anong secret ko sa pag-aalaga ng orchids,” yabang ni Mama.

“Sinabi mo?” tanong ko.

“Noong una kasi, sabi ni Mama, wala s’yang secret. Pero mapilit si Kapitbahay. Tapos, nagpa-picture pa s’ya kasama ang orchids. Basta, hindi makapaniwala si Kapitbahay sa pamumulaklak ng orchids ni Mama. Hula n’ya, may patabang inilalagay si Mama,” litanya ni Glenn.

“Sana sinabi mo, may green thumb si Mama,” salo ko kay Glenn.

“Wala. Hindi totoo ‘yon,” sabi ni Mama.

“So, wala ka talagang secret?” mabilis na balik ko.

“Meron,” nakangiting sagot ni Mama.

“Ano?” super excited kong dugtong.

Habang inaamoy raw ni Kapitbahay ang orchids, kinulit niya nang kinulit si Mama tungkol sa secret. Huling hirit daw niya kay Mama, “Ano nga ba ‘yon?”

Taas-noong revelation ni Mama, “Sa umaga, dinidiligan ko sila ng ihi!”

Ika-10 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

Sunday, January 25, 2009

Kampay


Matapos ang hapunan, nagyaya sila Glenn at Erwin na mag-inuman. Tamang-tama raw ‘yon habang hinihintay namin ang paghihiwalay ng taon. Tumango lang ako. Kanina kasi, bumili na sila ng Emperador.

Sa kubo namin kami pumuwesto. Bago nagsimula ang tagayan, marami pang inayos. Kay Mama ang ihawan ng tilapya, liyempo, at hotdog. Kay Erwin ang TV at ang Magic Sing. Kay Glenn ang baso, ang alak, at ang pipinong binabad sa suka. Ako naman, sumalampak na sa paborito kong sulok. Panay lang ang text. (Hindi ako “domesticated”, e.) Naglalaro naman ng PSP ang mga pamangkin ko. Nasa loob sila ng bahay kasi maulan ng gabing ‘yon.

Tinanong ni Mama kung nasaan si Bernil. Sabi ko, umuwi sa kanila sa Tarlac. Dumating kasi ang kapatid n’ya galing sa Hong Kong. Gusto s’yang makita. Tumango lang si Mama tapos binalikan na ang pagpaparingas sa uling. Sakto sa pag-sound check ni Erwin ng Magic Sing, lumabas si Glenn dala ang isang magarang bote ng Fundador Exclusivo. Kasunod n’ya ang asawang si Liza, dala ang pipinong binabad sa suka.

Hinanap ko kung nasaan ang Emperador. Malakas na tumawa sila Glenn at Erwin. Isinalin pala ni Glenn ang Emperador sa magarang bote ng Fundador Exclusivo. Pasalubong pala ang Fundador Exclusivo ng isang kapitbahay na sea man. Itinabi lang ni Glenn ang bote para maalala n’yang minsan, nalasing s’ya ng Fundador Exclusivo.

Hindi ko makuha ang point ni Glenn kung bakit kailangang isalin pa n’ya ang Emperador sa bote ng Fundador Exclusivo hanggang sa may isang kapitbahay na dumaan. Niyaya naming tumagay pero tumanggi. Nahiya siguro. Malamang hindi n’ya ako kilala. Bihira kasi akong umuwi sa Binangonan. Pero sa mukha ng kapitbahay namin, bakas ang paghanggang umiinom kami ng Fundador Exclusivo! Tawanan kaming magkakapatid. Kumbinsido ako. Status symbol pala ang Fundador Exclusivo kahit bote na lang noon ang meron kami. Nakisakay na rin ako.

Si Glenn ang nagtagay ng Emperador. Pepsi ang pantulak para raw s’wabe. Sandali pa, sunod-sunod na ang birit ni Erwin sa Magic Sing. Humahalili sina Glenn at Liza. Sumubok din si Mama pero tumiklop dahil sa kant’yaw nila Glenn at Erwin. Nangangatog kasi ang boses ni Mama. Parang tumitira ng Kundiman. Pinasaya na lang n’ya ang sarili n’ya sa sa ibinigay kong Novellino. Sosyal ang feeling n’ya. Maya-maya pa, pinapak na namin ang tilapya at liyempo. Naglabasan ang mga pamangkin ko nang naamoy nila ang hotdog. Tig-iisang stick sila. Masarap daw. Juicy.

Tuwing nag-iinuman kami, hindi ako nagsasalita. Desisyon ko ‘yon. Parang ritwal. Nakikinig lang ako sa mga kapatid ko at kay Mama. Hindi naman sila nagrereklamo. Nasanay na rin siguro. Naisip ko, mabuti na rin ‘yon. Minsan kasi, sobrang talas ng dila ko. Sa halip na mas maintindihan ang gusto kong sabihin, nakakainsulto pa ako. Hindi ko alam kung bakit ganoon. At kahit pilitin ako, hindi na rin ako interesadong malaman ang dahilan. Masaya na ako sa pananahimik kapag nakikipag-inuman kasama ang pamilya ko. Iba s’yempre kung iba ang kaharap ko. Ibang kuwento ‘yon.

Mabilis na lumipas ang oras. Sa pagitan ng mga tagay namin, marami akong nalaman. May Christmas party pala sa block namin at may ilang kapitbahay na mas mababa sa napagkasunduang P250 ang pinang-exchange gift. May kababata pala kaming napaaway at nakulong at hiniwalayan ng asawa. May kamag-anak na nag-abroad na. May kakilala kaming walang balita tungkol sa kaniya. Namatay na pala ‘yong kapitbahay naming hindi nagbubukas ng bintana kapag nangangaroling kami. Nabanggit din ni Mama ang ugali ni Papa kapag nalalasing. Kahit ano raw ang mangyari, kahit gaano kalasing si Papa, uuwi at uuwi siya sa amin. Nang iniabot sa akin ni Glenn ang sumunod na tagay ko, tahimik ko ‘yong inialay kay Papa.

Nang nagputukan na, tuwang-tuwang naghiyawan ang mga pamangkin ko. Nagpataasan din sila ng lundag, kipkip ang pag-asang magsisitangkaran sila. Nagsalitan din sila sa pagtorotot. Kinalampag ko ang mga kaldero habang nagsasabog ng barya si Mama papasok sa bahay. Nagbatian kami ng Happy New Year. May halik sa pisngi. May yakap na mahigpit.

Isa-isang sinindihan nila Glenn at Erwin ang mga kuwitis. Supot ang fountain pero nagpalakpakan pa rin kami. Eskandalosong pumutok ang Sinturon ni Hudas. Pumulandit ang mga lusis. Nang tumingala kami, pagkaliwa-liwanag ng kalangitan. Parang sumambulat ang libo-libong bituwin. Parang sumirit ang laksa-laksang bulalakaw.

Naramdaman ko ang sarap, ang nakakahilong tama ng Emperador, na isinalin sa magarang bote ng Fundador Exclusivo, habang hinahabol ko ang naging kabuluhan ng taong kalilipas lang.

Ika-7 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

Saturday, January 24, 2009

Biko



Biko ang pasalubong namin kay Lola Meding noong Pasko. Binili namin sa aleng nagtitinda sa isang kantong nadaanan. Ayos daw ang biko, paliwanag ni Mama. Matamis. Mabigat sa t’yan. At higit sa lahat, marami ang makakakain.

Nang dumating kami sa Valenzuela, walang tao sa bahay ni Lola Meding. Nag-alala kami. Pero hindi nagtagal, nakita na rin namin silang dumarating. Nagpunta pala siya sa bahay ni Tito Jun. Kasama niya si Tita Thelma. Kumain daw sila ng fruit salad.

Sa malayo pa lang, tuwang-tuwang kumaway sa amin si Lola Meding. Hindi ko alam kung nakilala n’ya kami agad. Malabo na kasi ang mga mata n’ya. Sa kuwento ni Tita Thelma, medyo alagain na rin s’ya. Kailangan na ring lakasan ang pagsasalita para marinig niya ang sinasabi ng kausap.

Nang nagmano ako kay Lola Meding, tiningala n’ya ako. Para raw akong tore sa taas. Mapintog din daw ang pisngi ko. Parang si Santa Claus. Mabuti raw at nadalaw ko s’ya. Tinanong n’ya kung kumain na kami. Sinabi kong may dala kaming pagkain. Hindi na s’ya dapat mag-alala. Hindi naman kami bisita.

Dahil pagod siguro, biglang napaupo si Lola Meding sa paborito n’yang sulok kapag nagnanganga. Naisip kong sa sulok din ‘yong s’ya nakapuwesto kapag inuutusan n’ya ako noon. Pinabibili n’ya ako ng bigas. Pinapakuha n’ya ang kaning-baboy sa kantina ng isang malapit na pabrika. (Marami kasi s’yang patabaing baboy noon.) Pinapa-order ng softdrinks para sa tindahan n’ya. Pinagtatagpas ng sanga ng puno ng santol kapag maraming higad na namamahay.

Sa dinami-dami ng inuutos ni Lola Meding, pinapaborito ko ang pagbili ng Kislap Magazine at Wakasan Komiks. Sa Kislap kasi, hindi n’ya pinalalagpas ang pinakamaiinit na tsismis tungkol kay Nora Aunor. (Idol n’ya si Nora Aunor kasi magkasing taas daw sila. Talagang nakikipag-away s’ya kapag inilipat ang TV channel habang nakasalang si Nora Aunor.) Sa Wakasan, sinusubaybayan naman n’ya ang seryeng Tubig at Langis. Nagagalit s’ya pag inunahan ko s’ya sa pagbabasa. Kaya, ayun, ingat na ingat akong mabuklat ang Kislap at ang Wakasan dahil kung hindi, kurot ang katapat ko.

Sa bawat utos ni Lola Meding, inaabutan n’ya ako ng “pampadulas”. Bente-singko. Singkuwenta. Minsan, kapag maraming nahilot si Lolo Pule, piso. Hindi ako humihingi ng “pampadulas” pero inaasahan ko ‘yon. Kapag narinig ko na ang sutsot n’ya, nagkakandarapa akong magpapakita sa kan’ya.

Naalala ko rin na kapag wala nga pala kaming ulam sa bahay noon, pupunta lang ako sa kanila. Kapag nakita ni Lolo Meding na panay ang kuha ko ng tubig sa banga sa kusina, maglalabas na s’ya ng kanin at ulam tapos sabay kaming kakain. Wala kaming pinag-uusapan. Parang ang sabay naming pagnguya ang nagkukuwentuhan ng maraming bagay, ng mga pangarap, ng mga gusto naming matupad, mababaw man o matayog. Minsan lang n’ya sinira ang ritwal na ‘yon. Tinanong n’ya ako kung laos na nga ba talaga si Nora Aunor. Hindi ako nakasagot kasi ga-ulo ng pusa ang naisubo kong kanin noon.

Simula nang magkatrabaho ako, dumalang ang pagdalaw ko sa Valenzuela. Pero tuwing magkikita kami, tinatanong ako ni Lola Meding kung bakit wala pa raw akong asawa. Madalas si Mama o ang mga tita ko ang sumasalo. Ipinapaliwanag nila sa kaniya na hindi pa ako p’wedeng mag-asawa kasi walang titingin kay Mama at sa mga kapatid ko. May obligasyon pa raw ako.

Laking gulat ko nang biglang tanungin ni Lola Meding kung sino si Bernil. Hindi ko napansin na napansin n’ya ang lalaking nakaupo sa sopa malapit sa pintuan at sarap na sarap na kumakain ng biko. Kaibigan ko, paliwanag ko kay Lola Meding. Bakit ngayon ko lang nakita, sunod niya. Nagpunta na s’ya rito dati. Kagagaling lang kasi n’ya sa Qatar, salo ko. Mabait siguro s’ya, sabi n’ya sa ‘kin tapos nagkibit-balikat s’ya.

Sandali pa, itinuro ni Lola Meding ang biko. Tinanong n’ya kung ano ‘yon. ‘Yan ang pasalubong namin sa ‘yo, pakli ko. Biko, masiglang tugon n’ya. Gusto raw n’yang kumain noon. Nagtawanan kaming lahat, lalo na ang mga pinsan ko at mga pamangkin. Katatapos lang kasi n’yang kumain ng dalawang malalaking hiwa at ako pa mismo ang nagbigay noon sa kan’ya. Wala pang sampung minuto ang nakakalipas. Sinabi ko ‘yon sa kaniya. Loko raw ako. Hindi pa raw s’ya nakakain ng biko. Bakit ko raw ba ayaw s’yang pakainin, e, mukhang masarap pa naman ang biko. Tawanan ulit lahat. Mas malakas. Nakatingin na kasi silang lahat sa aming dalawa.

Kumuha ako ng platito at binigyan ko si Lola Meding ng isang hiwa. Nagmamadali s’yang sumubo. Tuwang-tuwa. Ang tamis, ang sarap, sabi n’ya. Nangilid ang luha ko nang tila batang ninamnam ni Lola Meding ang bikong pasalubong namin sa kan’ya. Habang pinagmamasdan ko s’ya, gusto kong balikan at pag-usapan namin ang mga “pampadulas” na ibinibigay n’ya kapag inuutusan n’ya ako noon. Gusto kong ibalita sa kan’ya na napabalitang ikinasal sa isang babae si Nora Aunor. Gusto kong sabihin sa kan’ya kung bakit wala pa akong asawa at kung bakit kasama ko sa Bernil ngayon. Gusto kong sabihin sa kan’ya kung ano na ang mga pinagkakakitaan ko. Pero walang salitang lumabas sa bibig ko.

Sa tahimik n’yang pagnguya ng biko, may pagmamalaking ibinida sa akin ni Lola Meding ang pinagdaan n’ya --- isang buhay na masaya, makabuluhan, at punong-puno ng matatamis alaala.

Ika-4 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal

Sunday, January 18, 2009

Aritmitik




Sa isang panggabing balita, isang reporter ang kumuntsaba sa isang maybahay para pagkasyahin ang P500 sa Noche Buena. Spaghetti, keso, tinapay, minatamis, softdrinks, at prutas ang lumabas na maihahanda. Hindi na yata nasabi kung ilan silang kakain. Sa huli, ibinahagi ng maybahay kung paano makapagtitipid sa panahon ng krisis. Tandaan din daw na ang totoong diwa ng Pasko ay ang pagmamahalan.

Naalala ko lang muli ang napanood kong ‘yon nang magpunta kami sa SM Taytay. Umungot kasi si Mama na mamili para sa Noche Buena. Ano nga kaya ang mabibili namin sa P500?

Dahil kasama rin namin ang makukulit kong mga pamangkin, hindi ko namalayan ang ikinarga ng cart. Nang bayaran ko, halos P5,000 ang inabot. Dapat may malaki akong reaksyon pero hindi ko na nilabas. Nakasimangot na kasi ang kasunod namin sa pila.

Nang pauwi na kami, nagtuturo ang mga pamangkin ko. Ice cream. Cake. Cotton candy. Mais. Burger. Binulong din ng mga kapatid ko na may kailangang bilhin para sa sasakyan. Dumaan kami sa Ace Hardware. Ayun, ubos ang P1,000 na inilabas ko.

Kinabukasan, matapos ang tanghalian, bumiyahe kami papuntang Valenzuela. Hiling kasi ni Mama na dalawin namin si Lola Meding. Sunog agad ang P1,000 para sa diesel. May panibagong P1,000 pa para sa mga pasalubong.

Sa Valenzuela, pumila ang kamag-anak. Bungad nila sa akin, mukhang mayaman ka na. Pinagpapala raw ang mabuting anak. Ngumiti lang ako. Mahirap yatang tanggihan o itanggi ang ganoong salubong.

Kasunod ng batian at kainan ang kantiyawan ng aginaldo. Sa mga tito at tita, mababa ang P500 bawat isa. Sa mga pinsang wala pang asawa, swak na ang P300 bawat isa. Sa mga anak ng pinsan, P200 kada ulo. Iba rin ang budget para mga anak ng pinsan na inaanak. May SM gift certificate na P500 at cash na P500. Pinakabongga kay Lola Meding, P2,000. Pambili niya ng nganga at saka ng kandila kapag nagsisimba siya. Naki-ambush din ang mga anak ng kapitbahay, bigyan ko raw ng tig-be-bente, kumbinsi ni Mama. Inabot din kami ng mga inaanak ni Papa. Kahit may mga asawa pa, hindi sila nakakalimot na dumalaw. Hindi na sila humihingi ng aginaldo pero pinagmamano nila ang mga anak nila sa akin. Mahirap daw kasi ang buhay at walang trabaho ang mga asawa nila. S’yempre, dumukot din para sa kanila.

Nang pauwi na kami, tinanong ko ang mga kapatid ko kung anong gusto nilang regalo. Si Mama ang sumagot. Pera na lang daw. Kapwa kasi walang trabaho ang mga kapatid ko. Si Glenn, tatlo ang anak. Si Erwin, isa. Nagkagulo ang mga pamangkin ko nang maglabas ako ng pera. Sabi ko, pagkasyahin na lang nila. Ibinilin ko na lang ibili ng sapatos ang mga bata. ‘Yong matibay. Pang-terno sa mga damit na nauna ko naming nabili bago magsimbang gabi. Mas malaki ang ibinigay ko kay Glenn kasi ‘yong bunso n’ya, sumususo pa. Mahal ang gatas. May supresa naman ako kay Mama. Pearl necklace. Nakuha ko kay Ms. Tootsie. Second hand pero ayos naman. South Sea raw ‘yon. Inilagay ko sa box ng Tiffany’s na ibinigay sa akin nila Cheng at Roselle. Nagkagulo ulit ang mga pamangkin ko. Mahal daw ang pearl necklace. May yabang ang ngiti ko. Nang sabihin ko ang presyo, tinawag nila si Mama na donya. Nag-aalangan si Mama na isukat o isuot ang pearl necklace. Baka raw mahablot. Kantiyaw nila Glenn at Erwin, wala raw hahablot kasi hindi naman niya ‘yon isusuot pagpunta ni Mama pagpunta sa palengke. Tuwang-tuwa si Mama ng naisuot na niya ang pearl necklace. Bagong damit na lang daw ang kulang. Bumukas ulit ang wallet ko.

Nang natapos ang araw na ‘yon, hindi magkamayaw sa kaka-tenkyu si Mama, ang mga kapatid ko, at ang mga pamangkin ko. Nalimas man ang perang naitabi ko, tila maluwag naman ang dibdib ko. Nairaos ko ang Pasko. Sabi ng isang kakilala, hindi ko raw dapat ginagawa ‘yon. Hindi ko raw ‘yon obligasyon. Naniniwala ako sa sinasabi n’ya pero hindi ko naman kayang manikis. Nagkataon lang siguro, na ngayon, ako ang meron.

Bago kami matulog, sinabi ko kay Bernil na sa 31st na kami mag-grocery. Binanggit kasi niyang simot na ang ref. Ayos lang daw. Hindi na niya ako tinanong kung bakit dahil nakita n’ya akong panay ang pindot sa calculator. Sa gilid ko, nakalagay ang pitaka kong umimpis.

Nang tuluyan akong pumikit, naisip kong hanapin ang reporter sa panggabing balita. Kukuntsabahin ko siyang hamunin akong pagkasyahin ang P500 para sa Noche Buena namin sa susunod na Pasko. Pero naisip ko, t’yak di ko rin naman mapagtatagumpayan ‘yon. Paulit-ulit ko na lang ibinalik sa kukote ang sinabi ng maybahay --- ang totoong diwa ng Pasko ay ang pagmamahalan.

Ika-2 ng Enero, 2009
Cainta, Rizal